MANILA, Philippines — Nananatiling sapat ang suplay at stable ang presyo ng bottled water at iba pang pangunahing bilihin sa kabila ng inaasahang paglala ng epekto ng El Niño, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni Trade Secretary Maria Cristina Roque nitong Huwebes na walang dahilan para mag-panic buying dahil sapat ang supply ng basic necessities and prime commodities sa merkado.
“There’s no need to panic, and there’s no need to hurry. We have enough supply of basic necessities and prime commodities and also bottled water or water,” ani Roque.
Ayon sa kalihim, patuloy ang koordinasyon ng DTI sa manufacturers at retailers upang matiyak na sapat ang suplay habang binabantayan ang posibleng epekto ng El Niño.
Wala rin umanong supermarket na humihiling sa DTI ng pagtaas ng presyo ng basic necessities and prime commodities sa ngayon.
Samantala, ayon sa pinakahuling El Niño advisory ng PAGASA, umiiral na ang strong to very strong El Niño sa tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang unang bahagi ng 2027 at maaaring umabot sa pinakamalakas nitong yugto bago matapos ang 2026.
Nagbabala ang PAGASA na pinapataas ng El Niño ang posibilidad ng below-normal rainfall na maaaring magresulta sa dry spell at drought sa ilang bahagi ng bansa, bagaman posible pa ring magkaroon ng malalakas na pag-ulan kapag may bagyo o ibang rain-bearing weather system. Dave Baluyot