MANILA, Philippines — Itinanggi nina Deputy Speaker Janette Garin at Batangas Rep. Gerville Luistro na may seryosong usapan sa Kamara na ihahanda si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III bilang posibleng kapalit ni Vice President Sara Duterte sakaling ma-convict ito sa impeachment trial.
Ayon kay Luistro, lead prosecutor sa impeachment case, masyado pang maaga para pag-usapan ang posibleng magiging kapalit ni Duterte dahil maaari pa siyang ma-convict o ma-acquit ng Senate Impeachment Court.
“Antayin muna siguro natin ang magiging resulta nitong impeachment trial na ito before we talk about that,” ani Luistro.
Sinabi rin niyang wala siyang naririnig na seryosong usapan tungkol kay Dy dahil nakatuon ang prosecution team sa impeachment trial.
Ganito rin ang sinabi ni Garin, na nagsabing may mga nagbabanggit man ng naturang senaryo, hindi umano ito itinuturing na seryosong panukala. Hindi rin niya masabi kung interesado si Dy sa pagiging bise presidente.
Sa ilalim ng Article VII, Section 9 ng 1987 Constitution, kung mabakante ang Office of the Vice President, ang Pangulo ang magnonomina ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara na pasok sa constitutional qualifications. Kailangan itong kumpirmahin ng mayorya ng lahat ng miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso, na boboto nang magkahiwalay.
Itinanggi rin ni Garin na may kaugnayan sa naturang succession scenario ang paglipat ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos mula Partido Federal ng Pilipinas patungong Lakas-CMD. Kinumpirma ng mga source ng GMA News nitong Oktubre 14 na sumapi si Marcos sa Lakas-CMD, habang nananatiling miyembro ng PFP si Dy.
Ayon kay Garin, wala ring seryosong usapan na ihahanda si Marcos para sa speakership sakaling umalis si Dy sa Kamara.
Patuloy naman ang impeachment trial ni Duterte. Wala pang desisyon ang Senate Impeachment Court kung siya ay guilty o not guilty sa natitirang article of impeachment. RNT