MANILA, Philippines — Pinaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese fishing vessel at apat nitong maliliit na bangka mula sa karagatan ng Lawak Island sa Kalayaan, Palawan nitong Huwebes.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, namataan ang Yuetaiyu 63168 na nakaangkla sa territorial sea ng Lawak Island, habang apat na maliliit na bangka ang nakakalat sa paligid nito.
Nagpadala ang PCG ng rubber boat upang idokumento at paalisin ang mga sasakyang-dagat.
Paulit-ulit umanong nagbigay ng radio challenge ang PCG sa Chinese vessel at tatlong beses itong inikutan ngunit walang tugon mula sa barko. Pinaalis naman ng Coast Guard ang apat na maliliit na bangkang nasa lugar.
Nanatili ang PCG sa lugar hanggang sa bumalik ang apat na bangka sa kanilang mother vessel at tuluyang umalis ang Yuetaiyu 63168 mula sa karagatan ng Lawak Island.
Iginiit ni Tarriela na bahagi ng Kalayaan, Palawan ang Lawak Island at saklaw ng soberanya ng Pilipinas ang territorial sea nito.
Ayon sa PCG, hindi maaaring mangisda ang foreign vessels sa naturang karagatan nang walang pahintulot at ang pagpapadala umano ng mga bangka mula sa Chinese mother vessel upang mangisda roon ay labag sa Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act. RNT