MANILA, Philippines — Hinamon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Vice President Sara Duterte na magsampa ng kaso kung naniniwala itong nagsisinungaling si dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. o may kinikilingan ang NBI sa isinasagawang imbestigasyon.
“Kung may pagsisinungaling silang alegasyon kay Gracioso then file a case. Kung tingin nila ako ay nagiging bias or may mali akong ginagawa, file a case,” ani Matibag sa isang interbyu.
Nauna nang inakusahan ng kampo ni Duterte si Matibag ng political bias kaugnay ng imbestigasyon sa mga alegasyon ni Gracioso. Itinanggi naman ng bise presidente ang mga paratang laban sa kanya at nagsumite na ng sworn affidavit sa NBI.
Inakusahan ni Gracioso si Duterte, Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumanggap umano ng cash deliveries na ginawa niya sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Ang mga naturang alegasyon ay hindi pa napapatunayan sa korte.
Sinabi naman ni Matibag na hindi na lamang affidavit ni Gracioso ang sentro ng kanilang pagsusuri kundi ang mga ari-ariang nakasaad sa SALN ni Duterte at ang umano’y discrepancies sa deklarasyon ng ilang properties.
Noong Oktubre 13, isinangguni ng NBI sa Office of the Ombudsman ang resulta ng fact-finding investigation nito sa SALN ni Duterte para sa evaluation at kaukulang aksiyon. Kinumpirma ng Ombudsman na natanggap nito ang referral at sinabi nitong isasailalim muna ang mga dokumento sa initial evaluation upang matukoy kung kailangan ng karagdagang imbestigasyon.
Itinanggi ni Duterte ang pagmamay-ari sa ilan sa mga property na iniuugnay sa kanya at kinuwestiyon ang mga pahayag ng NBI hinggil sa mga ito.
Iginiit naman ng Ombudsman na hahawakan nito ang referral nang “thoroughly, independently and without any political color.” Dave Medina