RIZAL — Arestado na ang 32-anyos na lalaking itinuturing na person of interest sa pagkamatay ng babaeng natagpuan sa loob ng refrigerator sa isang apartment sa Rodriguez, Rizal noong Setyembre.
Natunton ang lalaki sa loob ng isang kotse na nakaparada sa tapat ng convenience store sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes ng gabi, Oktubre 15, sa tulong ng isang informant.
Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest para sa serious illegal detention, na walang inirekomendang piyansa. Hiwalay ang naturang kaso sa imbestigasyon sa pagkamatay ng babae.
Ayon kay Rodriguez police chief Lt. Col. Arwyn Gaffud, kasambahay ng babaeng biktima ang naghain ng reklamo sa serious illegal detention laban sa lalaki kaugnay ng insidenteng umano’y nangyari sa Parañaque City noong 2025.
Itinuturing siyang person of interest sa pagkamatay ng babae dahil, ayon sa mga testigo, siya ang kasama nitong lumipat sa apartment sa Barangay San Jose bago natagpuan ang bangkay noong Setyembre 16.
Tumanggi muna ang lalaki na magbigay ng pahayag ngunit sinabi umano sa pulisya na wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente.
Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang sasakyang ginamit ng lalaki at isinailalim ito sa inspeksiyon.
Ayon kay Gaffud, patuloy ang pangangalap ng ebidensiya at hinihintay ang resulta ng DNA examination ng biktima bago isumite sa Rizal provincial prosecutor ang kaukulang case folder kaugnay ng pagpatay.
Nananatiling person of interest ang lalaki sa naturang pagkamatay at wala pang hatol ng korte na nag-uugnay sa kanya sa krimen. Mary Anne Sapico