Home HOME BANNER STORY Malakanyang: Walang nasayang na pera ng taumbayan sa impeachment trial ni VP...

Malakanyang: Walang nasayang na pera ng taumbayan sa impeachment trial ni VP Sara

4
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng Malacañang na hindi maituturing na nasayang ang pondo ng bayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung nailahad naman sa publiko ang mga facts, dokumento at ebidensiya sa proseso.

Tugon ito sa pahayag ng kampo ni Duterte na milyon-milyong pisong taxpayers’ money umano ang nasayang matapos bawiin ng prosecution ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban sa bise presidente.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nabigyan ng pagkakataon ang prosecution at defense na maglahad ng kani-kanilang panig sa pamamagitan ng presentation of evidence, cross-examination, rebuttal at surrebuttal.

“Walang maaaring masabing nasayang kung mayroon namang naipakitang mga facts, data na maaaring makapagpaliwanag sa taumbayan,” ani Castro.

Nilinaw naman ni Castro na hindi siya nagbibigay ng paghatol sa kaso.

Sa kanyang personal na pananaw bilang abogado, sinabi rin ni Castro na hindi niya maituturing na mistrial ang proceedings dahil nabigyan umano ng sapat na pagkakataon ang defense na i-cross-examine ang mga testigo at ebidensiyang iniharap ng prosecution.

Nauna nang nagbabala ang defense team na maaaring magkaroon ng usapin sa fairness ng trial matapos bawiin ng prosecution ang tatlong articles. Article II, na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth at SALN disclosures ni Duterte, na lamang ang ipinagpapatuloy ng prosecution.

Sinabi rin ni Castro na ang pagbawi sa tatlong articles sa impeachment proceedings ay hindi awtomatikong pumipigil sa ibang investigating agencies na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon kung may legal na batayan.

Magkaiba umano ang impeachment proceedings at posibleng criminal o administrative investigations na maaaring isagawa ng ibang ahensya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here