MANILA, Philippines — Pumanaw na sa edad na 91 si dating House Speaker Pro Tempore at Northern Samar governor Raul Aguila Daza, ayon sa kanyang pamilya nitong Huwebes.
“It is with profound sadness that our family announces the passing of our beloved Raul Aguila Daza. He peacefully passed away at 91 years old,” pahayag ng kanyang apo na si Northern Samar Rep. Niko Raul Daza.
Mahigit limang dekada sa public service si Daza. Pitong termino siyang nagsilbi sa House of Representatives mula 1969 hanggang 2019 at tatlong termino bilang gobernador ng Northern Samar mula 2001 hanggang 2010.
Nagsilbi rin siya bilang senior deputy speaker ng Kamara, deputy minister ng Presidential Commission on Good Government at commissioner ng Presidential Commission on Constitutional Reforms.
Abogado at certified public accountant si Daza. Nagtapos siyang cum laude sa University of the Philippines College of Law at ika-11 puwesto sa Philippine Bar examinations.
Matagal ding naging miyembro ng Liberal Party si Daza matapos sumapi noong 1965. Naging pangulo siya ng partido mula 1994 hanggang 1998 at kalaunan ay nagsilbing chairman ng Council of Asian Liberals and Democrats.
Inilarawan siya ng kanyang pamilya bilang isang matatag na tagapagtanggol ng demokrasya, hustisya at rule of law, kabilang noong panahon ng martial law at kanyang political exile.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Liberal Party at sinabing nanatiling mahalagang bahagi si Daza ng kasaysayan at paninindigan ng partido.
Ayon sa pamilya, gaganapin ang burol sa The Chapels at Heritage Park sa Taguig City mula Oktubre 17 hanggang 19, habang magkakaroon ng tribute ang Liberal Party sa Oktubre 18 at necrological service sa House of Representatives sa Oktubre 19.
Dadalhin naman ang kanyang mga labi sa Catarman, Northern Samar mula Oktubre 21 hanggang 24. Nakatakda ang funeral Mass sa Our Lady of Annunciation Cathedral sa Oktubre 24. RNT