MALABON CITY — Hinihikayat ng pamahalaang lungsod ng Malabon ang mga adult resident na may attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD) na sumali sa libreng livelihood skills training orientation at job coaching program upang mapalawak ang kanilang oportunidad sa trabaho.
Gaganapin ang aktibidad sa Lunes, Oktubre 19, alas-8 ng umaga, sa National Council on Disability Affairs (NCDA) Atrium sa Quezon City.
Kabilang sa programa ang paggabay sa employment at livelihood skills, job coaching at impormasyon tungkol sa mga employer na nagsusulong ng inclusive workplaces.
Pangungunahan ito ng NCDA katuwang ang Malabon Persons with Disability Affairs Office (PDAO), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ADHD Society of the Philippines at mga participating employer.
Hanggang ngayong Biyernes, Oktubre 16, ang registration para sa mga nais lumahok sa programa.
Naglaan din ang Malabon City government ng libreng transportasyon para sa mga residenteng dadalo, ngunit ang deadline ng pagpapaalam sa PDAO para rito ay Oktubre 15.
Kabilang ang employment at livelihood assistance sa mga serbisyong ibinibigay ng Malabon PDAO para sa persons with disabilities.
Layunin ng programa na matulungan ang adults na may ADHD na mapaunlad ang kanilang job-related skills, makahanap ng employment opportunities at maisulong ang mas inclusive na workplace. Mary Anne Sapico