Home METRO Bulacan cop na nambugbog sa asawa, sinibak sa serbisyo

Bulacan cop na nambugbog sa asawa, sinibak sa serbisyo

4
0

MANILA, Philippines — Sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (Napolcom) si Police Corporal Almar Jerome P. Dela Cruz matapos mapatunayang administratively liable sa pananakit sa kanyang live-in partner.

Ayon sa Napolcom, nagkasala si Dela Cruz ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer matapos nitong paulit-ulit na suntukin at hampasin ang kanyang partner hanggang mawalan ito ng malay noong Marso 12, 2026.

Ibinatay ng komisyon ang desisyon sa CCTV footage, mga pahayag ng pulis at sa kanyang public admission na mali ang kanyang ginawa.

Isinaalang-alang din sa imbestigasyon ang hiwalay na insidente noong Hunyo 2025 kung saan sinasabing sinipa at minura rin ni Dela Cruz ang kanyang partner.

Bagama’t nagsumite kalaunan ng affidavit of desistance ang complainant, sinabi ng Napolcom na hindi awtomatikong natitigil ang administrative case dahil sa pribadong areglo kung may sapat na ebidensiya ng misconduct.

Bukod sa dismissal, kanselado rin ang police eligibility ni Dela Cruz at mawawala ang kanyang retirement benefits maliban sa accrued leave credits. Permanente rin siyang disqualified na muling makapagtrabaho sa alinmang government office o government-owned and controlled corporation.

“Ang uniporme ay hindi lisensya para manakit o mang-abuso,” ani Napolcom Commissioner Calinisan.

Iginiit ng komisyon na mananatiling pananagutan ng mga pulis ang kanilang asal kahit ang insidente ay nangyari sa pribadong buhay. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here