Home HOME BANNER STORY P6.17-B kinaltas ng Kamara sa basic education, inilipat sa flood control –...

P6.17-B kinaltas ng Kamara sa basic education, inilipat sa flood control – Bam

2
0

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Bam Aquino ang pagbabawas ng Mababang Kapulungan sa sektor ng edukasyon na umabot sa P61.7 bilyon na inilipat sa kuwestiyonableng infrastructure program tulad ng flood control projects

Iginiit ni Aquino na dapat gawing prayoridad sa 2027 national budget ang pagpopondo sa edukasyon at universal feeding program kaysa kuwestiyonableng infrastructure projects, partikular ang flood control project.

Ayon sa chairperson ng Senate Committee on Basic Education, dapat ilaan ang pondo ng bayan sa programang direktang makikinabang ang Pilipino, lalo na ang mga estudyanteng nangangailangan ng silid-aralan, masustansiyang pagkain, at mas maayos na pasilidad sa pag-aaral.

Nagpahayag ng pagkabahala ang senador matapos bawasan ng Kamara ng P6.17 bilyon ang budget ng Department of Education (DepEd), mula sa panukalang P975.96 bilyon tungo sa P969.79 bilyon sa 2027 General Appropriations Bill (GAB).

Kabilang sa mga binawas ang P3.1 bilyon sa Basic Education Facilities Fund (BEFF), na bumaba mula P30.55 bilyon tungo sa P27.45 bilyon, at P3.1 bilyon sa Computerization Program, na nabawasan mula P5.79 bilyon tungo sa P2.63 bilyon.

“In 2025, binigyan natin ng zero budget ang flood control. At that time, it was mired in controversy and still mired in controversy until now,” ani Aquino.

“Tanggalan natin ng pondo ang mga proyektong iyan at ilagay sa feeding program at classrooms. Gawin nating prayoridad sa ating budget ang kapakanan ng ating kabataan,” dagdag niya.

Nagbabala rin si Aquino sa malaking pagbawas sa pondo ng Expanded National Nutrition Program, mula P25.7 bilyon ngayong taon tungo sa P11.43 bilyon sa panukalang budget para sa 2027, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng pagkain at pangangailangang mapakain ang mas maraming bata.

Ayon sa senador, nakababahala ang pagbawas na ito na nangyari habang pinalalawak ng pamahalaan ang school feeding program upang masaklaw ang lahat ng mag-aaral sa mga pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3. Mahalaga ang sapat na pondo upang matiyak na mas maraming bata ang makatatanggap ng masustansiyang pagkain sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Tinaasan na nga ang cost per meal from P25 to P35 dahil hindi na talaga sapat ang dating halaga. Pero kung kasabay nito ay babawasan ang total budget para sa feeding, mas konting bata ang mapapakain,” paliwanag ni Aquino.

“Napakahirap matuto kapag gutom ka,” wika pa niya, na binigyang-diin ang kahalagahan ng sapat na pondo para sa feeding program upang makatulong na matugunan ang mga kakulangan sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, nangako si Aquino na isusulong ang sapat na pondo para sa edukasyon, universal feeding program, at iba pang mahahalagang programa upang mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.

“Papayag ba tayo na hindi mapondohan yung feeding program pero pinondohan iyong mga kontrobersiyal na proyekto?” ani Aquino, habang iginiit ang pangangailangang suriing mabuti ang paggasta ng pamahalaan at ilipat ang pondo sa mga programang direktang tumutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral.

Bilang chairperson ng Finance Sub Committee B, nakatakdang pangunahan ni Aquino sa Biyernes (Oktubre 16) ang briefing hinggil sa budget ng DepEd at mga attached agency nito.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here