CAGAYAN DE ORO, Philippines — Pinag-iingat ang mga residente dahil inaasahang aabot sa 39°C ang heat index sa lungsod sa Sabado, Oktubre 17, habang nakapaloob sa kategoryang “Extreme Caution” ang pagtataya sa init sa loob ng dalawang araw.
Ayon sa advisory ng City Information Office nitong Huwebes, inaasahang nasa 37°C ang heat index sa Oktubre 16 at tataas sa 39°C sa Oktubre 17.
Sa ganitong kataas na heat index, posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang mga tao. Maaari ring mauwi sa heat stroke ang matagal na pisikal na aktibidad sa ilalim ng matinding init.
Hinimok ni City Disaster Risk Reduction and Management Department chief Nick Jabagat ang publiko na mag-ingat.
“Avoid prolonged exposure to hot environments, drink plenty of water, and wear light clothing. Monitor the health condition, especially of children, the elderly, and the sick,” ani Jabagat.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), inaasahang makakaranas ng mataas na temperatura sa araw ang mga lowland area, kabilang ang lungsod, kasabay ng mga kondisyong dulot ng El Niño.
Para sa Oktubre 2026, inaasahang aabot sa 33°C hanggang 37.7°C ang pinakamataas na temperatura sa mga lowland area ng Mindanao.
Nagbabala rin ang Pagasa na dahil sa lumalakas na El Niño, mas mataas ang posibilidad ng matagal na panahong kulang sa ulan at temperaturang mas mainit kaysa karaniwan hanggang unang bahagi ng 2027.
Pinayuhan ni Jabagat ang mga residente na tumawag agad sa 911 kung may emergency na may kaugnayan sa matinding init. RNT/MDS