Home HOME BANNER STORY ‘Di madadaan sa balde-balde lang’: VP Sara, nanawagan ng mas malawak na...

‘Di madadaan sa balde-balde lang’: VP Sara, nanawagan ng mas malawak na paghahanda sa Super El Niño

3
0

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte ang pangangailangan ng mas komprehensibong paghahanda sa posibleng epekto ng “Super El Niño,” at sinabing hindi sapat ang simpleng pag-iipon ng tubig-ulan sa mga balde na iminungkahi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Araw ng Baungon nitong Miyerkules, sinabi ni Duterte na maaaring maapektuhan ng matinding tagtuyot ang mga magsasaka, mangingisda, produksiyon ng agrikultura at suplay ng kuryente sa bansa.

“Ang mga eksperto karon, gitawag na ni nila og Super El Niño, buot pasabot, init gyud kaayo ni, nga posibleng mauga ang atoang mga yuta ug atoang mga sapa,” ani Duterte.

“Mao nang dili na siya madala og balde lang, dako siya nga problema. Kay ngano man? Ug mauga ang yuta, magkaproblema ang agrikultura kay madaot man atoang ani,” dagdag niya.

Nauna nang ipinagtanggol ng Malacañang ang mungkahi ni Marcos na mag-ipon ng tubig-ulan sa mga balde bilang paghahanda sa Super El Niño. Gayunman, umani ito ng batikos mula sa ilang social media users na umaasa ng mas malawak na hakbang mula sa pamahalaan.

Nagbabala si Duterte na posibleng malagay sa panganib ang suplay ng pagkain kung hindi makapaghahanda ang mga magsasaka sa matagal na tagtuyot.

Hinimok niya ang mga magsasaka na maghanda ng mga pananim na kayang mabuhay sa tuyong kondisyon at gumawa ng contingency plan sakaling mawalan ng tubig ang mga irigasyon.

“Ug di makaandam atong mga mag-uuma sa ilahang planting materials, na mu-survive og uga or drought, ug sa ilahang pagpangandam kung wala nay tubig ang irigasyon. Ug dili sila makaandam og ingon ana, madaot ang atoang food supply,” pahayag niya.

Binigyang-diin din ng bise presidente na ang karaniwang mamamayan ang higit na makararamdam ng epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain, kaya mahalagang maghanda ang pamahalaan at sektor ng agrikultura.

Samantala, nauna nang sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na may mga kritiko umanong walang positibong masasabi tungkol kay Marcos at sa kanyang mga polisiya.

“Sa mga obstructionists po itong sasabihin ko: Kailangan po talaga natin ng balde – baldeng utak para maintindihan ninyo po kung ano ang plano ng pangulo,” ani Castro. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here