MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Win Gatchalian ng malalimang imbestigasyon laban sa mga host ng podcast na nangutya kay Josh Aquino, anak ni Kris Aquino na may autism.
Mariing kinokondena ni Gatchalian ang pangungutya kay Josh sa isang podcast episode ng Machong Chismisan kamakailan na umere s ABS-CBN Podcast Network.
Hinimok niya ang National Council on Disability Affairs (NCDA) na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang imbestigahan ang insidente, alamin kung may nalabag sa Magna Carta for Persons with Disability (RA 7277, as amended by RA 9442), at papanagutin ang mga responsable.
Giit ni Gatchalian, hindi dapat palampasin ang anumang uri ng pangungutya, pang-aapi at pang-aabuso sa kapwa, may kapansanan man o wala, dahil karapatan ng lahat na mamuhay nang may dignidad at malaya sa diskriminasyon.
Kasabay nito, kinondena din ni Senador Risa Hontiveros ang insidente sa pagsasabing hindi katanggap-tanggap ang pangungutya sa isang may kapansanan tulad ni Josh o sinuman.
“It is never acceptable to mock, belittle, or demean persons with disability. They are not a punchline, and their lives should not be fodder for ridicule, whether on air, online, or in private conversation,” ayon kay Hontiveros.
Aniya, malinaw ang paninindigan ng ating mga batas na may dignidad ang bawat kababayan nating may kapansanan.
“Tulad ng National Autism Care, Support, and Inclusion Act na isinusulong ko, marami nang mga batas at panukala na ipinagbabawal ang anumang klaseng diskriminasyon,” ayon sa senador.
“To everyone, especially those with platforms: tandaan na ang tunay na sukatan ng ating pagkatao ay kung paano natin itinuturing ang mga pinakabulnerable sa ating lipunan. Sila ang dapat nating iniingatan, hindi pinagtatawanan,” giit ng mambabatas.
Umani ng matinding batikos ang all-male podcast na “Machong Chismisan” matapos kutsain si Josh Aquino sa Season 29, Episode 20 na pinamagatang “Ang Pagbabalik ni Kris Aquino” na umere noong Oktubre 5, 2026.
Sa naturang episode na binura na, tinawag ni host Tito P si Josh na “walang kwenta” habang pinagtatawanan ng mga kasama. Kinumpara pa umano si Josh sa nakababatang kapatid na si Bimby at pinagtawanan ang kilos nito.
Dahil dito, kinondena ng NCDA ang remarks ng mga host at sinabing dapat tratuhin nang may respeto ang persons with disabilities at hindi dapat isailalim sa pangungutya. Naglabas din ng pagbatikos ang Autism Society Philippines at sinabing hindi katatawanan ang kapansanan.
Ayon sa ulat, naglabas na ng public apology si Tito P at tinapos na ng The Pod Network ang kontrata ng grupo matapos ang insidente. Ernie Reyes