MANILA, Philippines — Nagbabala si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen na ang hindi mapanuring paggamit ng Artificial Intelligence (AI) ay maaaring magdulot ng kawalan ng katarungan.
Sa kanyang lecture na “The Critical Use of AI” sa UP College of Law noong Oktubre 12, 2026, bilang bahagi ng SC AI Caravan, sinabi ni Leonen na iresponsable para sa mga abogado at hukom ang gumamit ng AI nang hindi nauunawaan kung paano ito gumagana at kung ano ang mga limitasyon nito.
Inihalimbawa niya ang isang babaeng testigo na dalawang beses nahinto sa pagsasalita sa korte dahil sa emosyon, ngunit hindi ito naisama sa transcript at naging simpleng data point lamang para sa AI. Ayon kay Leonen, ipinapakita nito kung paano maaaring mawala ang mahalagang karanasan ng tao kapag ginawa lamang itong datos.
Nilinaw niya na ang tanging AI tool na pinapayagan sa Judiciary ay ang “Scriptix,” isang voice-to-text program para sa mga stenographer. Gayunman, kailangan pa ring suriin ng tao ang mga transcript.
Ipinaliwanag din niya na magkaiba ang digitalization, o paglilipat ng mga dokumento mula papel tungo sa digital format, at AI na ginagamit sa pagsusuri at paggawa ng desisyon.
Ayon kay Leonen, maaaring magkaroon ng bias ang AI dahil hindi nito lubos na nauunawaan ang emosyon, konteksto, sitwasyon at kultura, kaya posibleng magmukhang normal ang kawalan ng katarungan.
Halimbawa, kung 90% ng mga akusado ay mahihirap, maaaring isipin ng AI na ang kahirapan ang sanhi ng krimen. Ngunit maaaring hindi nito makita ang mga salik tulad ng mga kasong naaayos sa labas ng korte at ang mas maraming pagkakataong makatakas sa pananagutan ang mayayaman.
“Justice is not a statistical frequency. It is not an inference from past data. Justice is never artificial,” diin niya.
Payo ni Leonen na panatilihin ang “interval,” o pagitan ng tanong at sagot kung saan mahalaga ang sariling pag-iisip ng tao. Aniya, dapat munang mag-isip at bumuo ng sariling sagot bago gumamit ng AI, at kailangang beripikahin ang lahat ng impormasyong ibinibigay nito.
“AI may assist a court’s work. It may never sit on the bench,” pagtatapos ni Leonen. Jocelyn Tabangcura-Domenden