BILIRAN, Philippines — Patay ang barangay chairman ng Libtong-Dako sa Naval, Biliran matapos barilin noong madaling-araw ng Biyernes nang magtungo siya kasama ang nakababatang kapatid upang komprontahin ang lalaking umano’y paulit-ulit na bumabato sa kanilang bahay.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Junrey Ancero, 48. Natagpuan siyang nakahandusay matapos makarinig ng putok ang kanyang kapatid habang papunta sila sa tirahan ng suspek. Idineklara siyang patay ng attending physician sa pinangyarihan.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Edil,” na naaresto dakong alas-2:35 ng madaling-araw matapos ang hot pursuit operation ng Biliran Police Provincial Office at Naval Municipal Police Station, kasunod ng impormasyong ibinigay ng isang purok leader.
Batay sa paunang imbestigasyon, umano’y ilang beses nang binabato ng suspek ang bahay ng nakababatang kapatid ng biktima. Habang papunta ang magkapatid upang komprontahin siya, nakarinig sila ng putok at kalaunan ay natagpuan si Ancero sa lupa.
Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Biliran Forensic Unit ng Scene of the Crime Operations (SOCO) para sa pagproseso ng pinangyarihan at pagsusuri ng ebidensiya.
Naghahanda ang pulisya ng kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code na ihahain para sa inquest proceedings sa tanggapan ng piskal.
Binigyang-diin ni Biliran Police Provincial Director Col. Alex Delos Santos ang kahalagahan ng mabilis na pagtugon ng pulisya at pakikipagtulungan ng komunidad.
“We remain committed to pursuing those responsible for criminal acts and working closely with community partners to uphold the law and protect the public,” ani Delos Santos. RNT/MDS