Home NATIONWIDE VP Sara kay Matibag sa gitna ng imbestigasyon ng kaniyang SALN: ‘He’s...

VP Sara kay Matibag sa gitna ng imbestigasyon ng kaniyang SALN: ‘He’s a nobody’

3
0

ZAMBOANGA CITY, Philippines — Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “nobody” o walang halaga si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa gitna ng imbestigasyon sa mga ari-ariang iniuugnay sa kanya at sa kanyang pamilya.

“Hindi ako interesado sa kanya. Walang interested kay Atty. Matibag. He’s a nobody,” pahayag ni Duterte nang tanungin tungkol sa hamon ni Matibag na magsampa siya ng kaso kung naniniwala siyang may kinikilingan o maling ginagawa ang NBI chief.

Ini-refer na ng NBI sa Office of the Ombudsman ang resulta ng fact-finding investigation nito sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng bise presidente para sa pagsusuri at nararapat na aksyon. Inihambing sa imbestigasyon ang kanyang SALN noong 2024 at 2025 sa mga sertipikadong kopya ng titulo ng lupa mula sa Land Registration Authority (LRA).

Sinabi ni Duterte na sa impeachment proceedings at sa Ombudsman niya ihahain ang kanyang paliwanag sa mga natuklasan ng NBI.

“’Yung regarding sa Statement of Assets and Liabilities ko, it is already a subject in the impeachment. At sinubmit na rin ‘yun sa Ombudsman. So ito ‘yung mga proper forum kung saan mas makakabuti doon kami magbigay ng aming sagot at explenasyon. Kaysa sa makipagsagutan tayo kay Atty. Matibag na nakita naman natin na mali-mali ‘yung mga sinasabi,” aniya.

Ayon naman kay Atty. Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, tama at tapat na idineklara ng bise presidente ang lahat ng kanyang ari-arian at pananagutan sa SALN. Tinawag niyang “political persecution” ang mga pahayag ni Matibag at inakusahan ang administrasyong Marcos ng paggamit sa mga institusyon ng gobyerno laban sa bise presidente.

Iginiit din ni Panelo na hindi muna ipinaalam kay Duterte ang mga natuklasan ng NBI at hindi siya nabigyan ng pagkakataong sumagot bago ito inilabas sa publiko. Sinabi naman ng Ombudsman na magsasagawa ito ng walang kinikilingang imbestigasyon sa ini-refer na ulat.

Iniimbestigahan din ng NBI ang mga pahayag ni dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., dating miyembro ng security detail ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Ayon kay Gracioso, naghatid siya ng mga maleta na naglalaman umano ng pera para kina Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, sa utos umano ni Velasco. Tinataya niyang mahigit ₱2 bilyon ang kanyang naihatid kay Sara Duterte.

Sinabi ni Matibag na sinusuri ng NBI ang mga ari-ariang iniuugnay sa bise presidente at sa kanyang pamilya upang matukoy kung may kaugnayan ang mga ito sa mga pahayag sa affidavit ni Gracioso.

Itinanggi nina Sara Duterte, Paolo Duterte at Velasco ang mga alegasyon. Iginiit ni Velasco na walang batayan ang mga ito, habang tinawag naman ni Paolo Duterte na “pure fiction” at “fairy-tale lie” ang mga pahayag ni Gracioso.

Kinuwestiyon din ni Panelo kung bakit hindi isinama ng prosekusyon sa impeachment trial ang mga natuklasan ng NBI upang magkaroon ng pagkakataon ang depensa na sumagot. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here