Home NATIONWIDE 23,000 paaralan sa Pinas, walang punong-guro – DepEd

23,000 paaralan sa Pinas, walang punong-guro – DepEd

2
0

MANILA, Philippines — Tinatayang 23,000 paaralan sa bansa ang walang punong-guro dahil karamihan sa mga aplikante ay hindi nakapapasa sa qualifying examination, ayon sa Department of Education (DepEd) sa budget hearing ng Senate Finance Committee nitong Biyernes.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pinag-aaralan ng ahensiya ang pagpapaluwag sa National Assessment for School Heads (NASH) upang mas maraming punong-guro ang ma-hire at maitalaga sa mga paaralan.

“The finding from EDCOMM 2 led to certain moves as relaxing the NASH exam… so that more principals could be hired,” ani Angara.

Ipinaliwanag niyang binigyan na ng pagkakataon ang mga aplikanteng bumagsak lamang sa ilang bahagi ng pagsusulit na sumailalim sa kinakailangang remediation o professional development intervention sa halip na ulitin ang buong pagsusulit.

Sa 2026, nakakuha ang DepEd ng 6,000 posisyon para sa mga punong-guro at pinabibilis nito ang proseso ng pagkuha ng mga kwalipikadong aplikante. Gayunman, kakaunti pa lamang ang nakapapasa.

Ayon kay DepEd Undersecretary Wilfredo Cabral, sa mahigit 45,000 paaralan sa bansa, nasa 22,000 pa lamang ang may punong-guro.

Ikinabahala naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang kawalan ng pondo para sa mga bagong posisyon ng punong-guro sa panukalang 2027 budget ng DepEd.

Ayon kay Cabral, humiling ang ahensiya ng pondo para sa mahigit 14,000 karagdagang posisyon sa 2027, ngunit hindi ito nabigyan ng budget. Tinatayang P10.5 bilyon ang kailangan para sa mga posisyong ito. Kabilang sa mga planong solusyon ang pag-promote o reclassification ng mga guro sa ilalim ng pinalawak na career progression program.

Naglaan din ang pamahalaan ng pondo para sa 10,000 School Counselor Associate (SCA) positions bilang tugon sa mga alalahanin sa kaligtasan sa paaralan, bullying at karahasan gamit ang baril.

Ayon kay Angara, 5,447 o 54 porsiyento ng mga posisyon ang napunan na, habang isinasagawa pa ang recruitment para sa mga natitirang bakante. Target ng DepEd na mapunan ang lahat ng ito pagsapit ng Disyembre 2026.

Humiling din ang ahensiya ng karagdagang 1,800 SCA positions para sa 2027 na nagkakahalaga ng P519 milyon. Samantala, mahigit 14,000 bagong teaching positions ang target ding likhain sa susunod na taon.

Tinalakay rin sa pagdinig ang kakulangan ng mga guro para sa Special Needs Education (SNED). Ayon sa DepEd, mahigit 6,000 SNED teachers ang kasalukuyang nasa iba’t ibang plantilla positions, habang may mga gurong sumasailalim pa sa pagsasanay.

Upang matugunan ang target na teacher-to-student ratio na 1:5 para sa tinatayang 400,000 SNED learners, kinumpirma ng DepEd na kakailanganin ng humigit-kumulang 80,000 karagdagang guro. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here