Home METRO Person of interest sa babaeng natagpuang patay sa refrigerator, arestado

Person of interest sa babaeng natagpuang patay sa refrigerator, arestado

1
0

QUEZON CITY, Philippines — Arestado ang isang 32-anyos na lalaki dahil sa kasong serious illegal detention. Itinuturing din siyang person of interest sa pagkamatay ng kanyang live-in partner na natagpuang patay sa loob ng refrigerator sa Rodriguez, Rizal, noong Setyembre.

Ayon sa ulat nitong Biyernes, inaresto ang suspek habang nasa nakaparadang sasakyan sa harap ng isang convenience store sa Aurora Boulevard, Cubao, Quezon City.

May arrest warrant laban sa kanya na inilabas ng isang korte sa Parañaque kaugnay ng kasong serious illegal detention na isinampa noong 2025 ng kasambahay nila ng biktima.

“Lumalabas po sa imbestigasyon natin na yung kaso po nitong serious illegal detention, ang nag-file po ng kaso na ito is yung kasambahay po nung biktima na natagpuang patay po sa ating area of responsibility,” ani Rodriguez Municipal Police Station chief Police Lt. Col. Arwyn Gaffud.

Dinala ang suspek at ang kanyang sasakyan sa himpilan ng pulisya sa Rodriguez, kung saan inimbentaryo ng mga awtoridad ang mga gamit na nasa loob ng sasakyan.

Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag sa mga mamamahayag. Ayon kay Gaffud, sinabi lamang nito na wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente.

Natuklasan ang bangkay matapos mapansin ng landlord ang masangsang na amoy na nagmumula sa apartment. Ayon sa pulisya, sinakal umano ang babae bago inilagay ang kanyang mga labi sa refrigerator.

“Hihintayin po natin ‘yung resulta ng DNA exam. After that, then we will submit yung case folder na yun, ‘yung complaint na ihahain natin sa provincial prosecutor ng Rizal sa kasong murder,” ani Gaffud.

Ayon sa pulisya, hinihintay ang resulta ng DNA examination bago isumite ang mga dokumento para sa planong pagsasampa ng kasong murder sa Rizal Provincial Prosecutor. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here