MANILA, Philippines — Lumakas bilang typhoon ang Severe Tropical Storm na may international name na “Champi” nitong madaling-araw ng Sabado, Oktubre 17, at inaasahang magdadala ng ulan sa ilang bahagi ng bansa sa Lunes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa weather advisory nitong alas-2 ng madaling-araw, sinabi ng Pagasa na naging typhoon ang Champi habang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Bandang alas-3 ng madaling-araw, namataan ito sa layong 2,675 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Kumikilos ito pa-kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras, taglay ang maximum sustained winds na 140 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 170 kilometro kada oras.
Ayon sa Pagasa, posibleng pumasok sa PAR ang bagyo pagsapit ng Martes. Gayunman, maaaring magdala ng ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang trough o extension nito simula Lunes.
Samantala, patuloy na makaaapekto ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Cebu at Palawan, na maaaring makaranas ng maulap na kalangitan at kalat-kalat hanggang panaka-nakang pag-ulan ngayong Sabado. Posible rin ang panaka-nakang pag-ulan sa iba pang bahagi ng Visayas.
Dahil naman sa easterlies, inaasahan ang maulap na kalangitan, kalat-kalat na ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bicol Region, natitirang bahagi ng Mimaropa, Quezon at Aurora. Posible ang panaka-nakang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Sa Batanes at Babuyan Islands, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at panaka-nakang mahinang pag-ulan dahil sa hanging mula sa hilagang-silangan. RNT/MDS