CAVITE, Philippines — Inaresto ang isang fitness coach matapos umanong sadyaing sagasaan ng motorsiklo ang isang 57-anyos na babaeng negosyante habang naglalakad sa tapat ng Quintana Subdivision sa Barangay San Agustin, Trece Martires City, Cavite.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-10:25 ng gabi. Ang biktima, isang biyuda at residente ng Barangay Maharlika, Imus City, ay naglalakad nang bigla siyang mabangga ng motorsiklong minamaneho ng suspek.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mark,” na residente rin ng Barangay Maharlika at nagtatrabaho bilang fitness coach.
Sa halip na huminto at tulungan ang biktima, tumakas umano ang suspek matapos ang insidente. Humingi naman agad ng tulong ang biktima sa Trece Martires City Police Station, na naging daan upang matunton at maaresto ang suspek.
Pagsapit ng umaga, pormal na dinala at itinurn-over ng mga tauhan ng Beat 2 ang suspek sa himpilan ng pulisya kasama ang biktima.
Nasa kustodiya na ng Trece Martires City Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong attempted homicide kaugnay ng insidente. MARGIE BAUTISTA