MAKATI CITY, Philippines – Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makumpiska ng mga pulis ang pinaghihinalaang shabu sa isang buy-bust operation sa Makati Huwebes ng gabi, Oktubre 15.
Kinilala ng Makati City police ang mga naarestong suspek na sina alyas Cardo, 56, tinaguriang high value individual (HVI) at isang 26-anyos na babae na itinuturing namang street-level individual (SLI) na si alyas Tess, kapwa reidente ng Makati City.
Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Rodel A. Pastor sa Makati City police, naganap ang pagsasagawa ng operasyon ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City police dakong alas-9:20 ng gabi sa Balagtas Street, Barangay Guadalupe Nuevo.
Nauna dito, nagkaroon ng transaksiyon si alyas Cardo sa isang operatiba umaktong poseur-buyer kung saan nakabili ang huli ng isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu mula sa suspek.
Matapos ang transaksiyon, nagpakilala ang umaarestong pulis bilang miyembro ng kapulisan, na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Sa isinunod na paghahalughog, nakarekober ang mga pulis ng karagdagang tatlong plastic sachets na naglalaman ng 61 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱414,800, at ang ₱500 na ginamit na buy-bust money bill na ginamit bilang buy-bust money na kasama ng 19 na piraso ng tig-₱500 na boodle money.
Binigyang-diin ni Pastor na ipagpapatuloy ng distrito ang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.
“Bawat sangkot sa droga na naaaresto at bawat ilegal na drogang naaalis sa sirkulasyon ay isang hakbang tungo sa mas ligtas na mga komunidad. Patuloy nating hahabulin ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga sa pamamagitan ng mga operasyong naaayon sa batas at nakabatay sa impormasyong nakalap, alinsunod sa ating tungkuling maglingkod at magprotekta sa lahat ng oras,” ani Pastor.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek sa Makati City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)