MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senate Finance Committee nitong Biyernes ang panukalang P969.79-bilyong budget ng Department of Education (DepEd) at mga attached agency nito para sa 2027, habang hinihintay ang talakayan at pagsusumite ng mga hinihinging dokumento.
Mas mababa ito ng P6.17 bilyon kumpara sa 2027 National Expenditures Program (NEP). Sa General Appropriations Bill (GAB), nakalaan ang P967.23 bilyon para sa DepEd at P2.561 bilyon para sa mga attached agency nito.
Kabilang sa mga ahensiyang ito ang National Council for Children’s Television, National Museum of the Philippines, National Academy of Sports, National Book Development Board, Philippine High School for the Arts at Teacher Education Council.
Humiling ang DepEd ng karagdagang P147.93 bilyon para pondohan ang iba’t ibang programa, kabilang ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program na walang nakalaang standalone budget sa NEP. Humihingi ang ahensiya ng P15.63 bilyon para rito.
“It’s delivering what it intends to deliver, which is to teach our children how to read, how to count. But this year na-zero yung budget ng ARAL, which is shocking. Kung ano pa yung gumagawa, ‘yun pa yung nawala,” ani Senate President Sherwin Gatchalian.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Senador Joel Villanueva sa kawalan ng hiwalay na pondo para sa programa, dahil marami pang estudyante ang nangangailangan ng tulong sa pag-aaral.
“When I found out that it was zero, the first word that came out in my mind was ‘stupid.’ Stupid talaga. I really can’t comprehend bakit ginawa yon. Tapos ngayon dinagdagan P325 million [and] you’re looking at P13 million needing remediation,” ani Villanueva.
Ipinaliwanag naman ng Department of Budget and Management (DBM) na may pondo ang ARAL Program sa ilalim ng budget para sa mga textbook at iba pang instructional materials, ngunit wala itong sariling line item.
“We are knowledgeable about the ARAL Program… so ‘yung sa funding po wala siyang line program, sariling line item po… pero may pondo po siya under textbook and other instructional materials, so attribution po siya,” paliwanag ni DBM Director Vivien Labastilla.
Iminungkahi ng komite na magkaroon ng hiwalay na line item ang ARAL Program upang maging mas malinaw ang paglalaan ng pondo at hindi na kailangang kumuha ng pondo mula sa ibang budget item.
Ayon kay Gatchalian, ipinakita sa unang taon ng ulat ng ARAL Program na 1.37 milyong mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10 ang hindi na kabilang sa mga nahihirapang mag-aaral. Tinatayang 730,000 pang mag-aaral ang nakababasa na sa antas na naaayon sa kanilang baitang.
Kabilang sa mga programang maaaring pondohan mula sa hinihinging dagdag na budget ang Personal Improvement na P52.111 bilyon, Improving Learning Environment na P41.06 bilyon, Learning Support and Wellbeing na P35.92 bilyon, Inclusive Education na P833.8 milyon, at Governance and Innovation na P2.33 bilyon.
Humiling din ng karagdagang P1.24 bilyon ang mga attached agency ng DepEd. RNT/MDS