MAGUINDANAO DEL NORTE, Philippines — Napatay ng mga awtoridad ang isang hinihinalang sub-leader ng extremist group na Dawlah Islamiya (DI) at tatlo nitong kasamahan sa magkasanib na operasyon ng mga awtoridad noong Biyernes ng hapon, sa Barangay Tapayan.
Ayon kay Lt. Col. Eugene Balugo, officer-in-charge ng Criminal Investigation and Detection Group–Regional Field Unit 15 sa Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-RFU-BAR), isinagawa ang operasyon dakong alas-3:30 ng hapon upang ipatupad ang ilang arrest warrant laban sa suspek.
Sa ulat ni Balugo kay CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II, umano’y nanlaban ang suspek at mga kasama nito, na nagresulta sa maikling palitan ng putok. Sinabi naman ni Capt. Lyndon G. Mondragon, hepe ng CIDG Cotabato City Field Unit, na pinaputukan ng mga suspek ang operating team.
Hindi muna inilabas ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek. Gayunman, sinabi nilang konektado siya sa DI-Hassan Group at Alpha King Group, na iniuugnay sa mga pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, at sa mga pagpatay, panununog at iba pang mararahas na aktibidad sa Maguindanao del Sur.
Wanted ang suspek sa ilang kasong kriminal, kabilang ang destructive arson, direct assault, multiple counts of frustrated murder, double murder, at direct assault with multiple attempted murder. Inakusahan din siya ng pagsasagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa terorismo.
Ang mga arrest warrant ay inilabas ng mga korte sa Cotabato City, Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur, at Iligan City sa Lanao del Norte. Nakalista rin ang suspek sa Periodic Status Report ng Armed Forces of the Philippines at itinuturing na ikaapat na most wanted person sa antas ng lalawigan sa Maguindanao del Sur.
Narekober sa clearing operations ang isang assault rifle, tatlong .45-caliber na pistola at isang improvised explosive device (IED).
Bagama’t inilarawan ni Morico ang operasyon bilang tagumpay sa pagpapatupad ng batas, nagpahayag din siya ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi. Tiniyak niyang patuloy na paiigtingin ng CIDG ang mga hakbang laban sa krimen at terorismo sa buong bansa. RNT/MDS