ILOCOS NORTE, Philippines – Swak sa kulungan ang tatlong lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Laoag City ng lalawigang ito nitong Biyernes, Oktubre 16.
Ayon sa Laoag City Police Station, ang mga suspek ay edad 36, 38 at 34. Isa sa mga suspek ang taga-Laoag City, isa ang tubong-Allacapan Cagayan na naninirahan ngayon sa Laoag City, at, isa ang tubong-Sarrat, Ilocos Norte na naninirahan rin ngayon sa Laoag City.
Bandang alas-2:55 ng hapon nang ikasa ng mga awtoridad ang buy-bust operation na tumagal hanggang alas-7:15 ng gabi.
Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga personnel ng Laoag CPS (lead unit), PDEU, at RID PRO1 sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO1.
Sa naturang buy-bust operation ay nakarekober ang mga awtoridad ng 13 na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tumitimbang ng 16.49 gramo ang narekober na hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P112,132.
Bukod sa hinihinalang shabu ay may mga nakumpiska rin ang mga awtoridad na mga itinuturing nilang non-drug evidence.
Ginawa ang inventory at markings sa mga nakumpiskang ebidensya doon mismo sa lugar na pinangyarihan ng buy-bust, sa presensya ng suspek at mga mandatory witnesses. Rolando S. Gamoso