Home NATIONWIDE Posibilidad ng personal na pagpupulong kay PBBM, tinanggap ng Chinese envoy

Posibilidad ng personal na pagpupulong kay PBBM, tinanggap ng Chinese envoy

1
0

MANILA, Philippines — Malugod na tinanggap ng Chinese Embassy sa Manila ang posibilidad ng personal na pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese Ambassador Jing Quan upang mapag-usapan ang mahahalaga at sensitibong isyu sa gitna ng tensyon ng dalawang bansa.

“We welcome such [a] good opportunity [for] face-to-face communication,” pahayag ng embahada sa Facebook post nitong Biyernes ng gabi, Oktubre 16.

“Ambassador Jing looks forward to exchanging views on certain important and sensitive issues with the President,” dagdag nito.

Sinabi rin ng embahada na dapat talakayin kung “how to prevent some individuals from pushing bilateral relations into a dangerous situation,” ngunit hindi nito tinukoy kung sino ang tinutukoy.

Nauna nang sinabi ni Marcos na kailangan nilang mag-usap ni Jing matapos ang pahayag ng ambassador tungkol sa kakayahan ng China na manalo sa isang posibleng digmaan laban sa Pilipinas. Inilarawan ng Pangulo ang pahayag bilang tila pagbabanta at hindi diplomatikong pananalita.

“If we want to use force, we may easily win. But no, we will not use force. You know, we love peace,” pahayag umano ni Jing sa isang panayam sa Quezon City noong Huwebes.

“Well, it sounds very much to me like a threat, and it is not a very diplomatic statement to be made. So, we perhaps would like to understand what exactly it is that he means,” sabi ni Marcos matapos dumalo sa ika-125 anibersaryo ng Philippine Coast Guard.

“I think that deserves a discussion between the ambassador and myself,” dagdag ng Pangulo.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ayaw ni Marcos na lumala ang relasyon ng Pilipinas at China kaya inatasan niya ang mga opisyal na makipag-usap sa Beijing sa diplomatikong paraan.

“Hindi nais makita ng ating pamahalaan, ng Pangulo, na darating yung punto na hindi magiging maganda yung relasyon ng China at ng Pilipinas,” ani Castro.

Binigyang-diin niya na kinikilala ng administrasyon ang kahalagahan ng ugnayang pangkalakalan at pamumuhunan sa China, habang nananatiling tungkulin nitong pangalagaan ang teritoryo at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Kaya ang utos ng Pangulo, ang pakikipag-usap sa pamunuan ng China ay in a diplomatic manner dahil hindi nais ng Pangulo na masira ang relasyon ng dalawang bansa,” dagdag niya.

Nilinaw ni Castro na ang pagsusulong ng mas maayos na relasyon ay hindi nangangahulugang tatalikuran ng Pilipinas ang mga interes nito sa karagatan at mga pag-aangkin sa teritoryo.

Naganap ang palitan ng mga pahayag matapos punahin ng Chinese Embassy ang Department of Foreign Affairs dahil umano sa piling pagsipi at maling interpretasyon sa mga sinabi ni Jing. Inilarawan din ng embahada ang relasyon ng Pilipinas at China bilang nasa “extremely sensitive stage.”

Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea habang ipinaglalaban ng Maynila ang teritoryo at karapatang pandagat ng bansa, kasabay ng pagsisikap na mapanatili ang diplomatikong ugnayan at kalakalan sa Beijing. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here