MANILA, Philippines – Kinumpara ni House prosecution panel member at Manila Rep. Joel Chua ang impeachment conviction ni Chief Justice Renato Corona sa mga alegasyon ng undisclosed assets at unexplained wealth laban kay Vice President Sara Z. Duterte, na ayon sa prosecution expert ay posibleng umabot sa P1.5 bilyon.
Ipinunto ni Chua na si Corona ay naalis sa opisina noong 2012 dahil sa assets na ‘di hamak na mas maliit ang halaga kumpara kay Duterte.
“In comparison doon kay former Chief Justice Renato Corona, ang napatunayan lamang po doon is more or less mga 100 million [pesos] and yet na-convict po siya, with sinasabi nga po ng ating forensic expert na it would go as high as 1.5 billion [pesos],” sinabi ni Chua nitong Sabado, Oktubre 17.
Si Corona ay hinatulan ng Senate impeachment court noong Mayo 29, 2012 sa botong 20-3 sa bigong paglalathala ng kanyang assets sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
Sa paglilitis, inamin ni Corona ang pagkakaroon ng $2.4 milyon at P80 milyong bank deposits na hindi idineklara sa SALN.
Sa kaso ni Duterte, tumestigo si prosecution forensic expert Alexander Cabrera at sinabing sa pagsusuri nito sa available financial records ni Duterte ay may natukoy na P817.87 milyon sa umano’y unexplained wealth sangkot si Duterte at asawa nitong si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Sa pagkwestyon ni impeachment court Presiding Officer Sen. Francis Escudero noong Oktubre 12, sinabi ni Cabrera na ang halaga ay posibleng umabot ng P1.5 bilyon sa ilalim ng less conservative assumptions.
Kabilang sa mas mataas na estimate ang posibleng karagdagang discrepancies sa financial transactions at corporate income na hindi nakasama sa initial computation nito.
Hinamon naman ng depensa ang findings ni Cabrera kabilang ang treatment nito sa corporate income at pag-uugnay nito kay Duterte at Carpio.
Samantala, kinwestyon naman ni Chua ang pahayag na ang ilan sa mga asset ni Duterte ay regalo.
“Kung ito’y regalo, unang-una, bawal ang regalo sa mga public officer, ’di po ba? Maliwanag rin po ’yan,” aniya.
“Kung galing naman po ito sa magulang niya, siyempre dapat patunayan nila na nagbayad sila ng mga buwis, ’di ba?” dagdag ni Chua.
Nakatakdang magbalik ang proceedings ng Senate impeachment court sa Nobyembre 9. RNT/JGC