MANILA, Philippines – Nagpasaring si Senador Erwin Tulfo sa ilan sa mga kasamahan nito sa paglalabas ng isang political cartoon na tumutukoy sa isyu ng “backstabbing” para sa mga nais umanong magpatalsik sa kanya sa Senado.
Inilabas ni Tulfo ang isang political cartoon tungkol sa kanya na sinasaksak sa likod ng tatlo sa mga kasamahang senador.
“Nakita ko lang sa isang post… Tsk, tsk, tsk… masakit kaya saksakin sa likod, di ba friend???,” sinabi ni Tulfo bilang caption ng post.
Nakita sa cartoon si Tulfo na nag-aabot ng regalo na may nakalagay na “Reforms” patungo sa kamay na may taglay na watawat ng Pilipinas.
Hindi na ipinaliwanag ni Tulfo sa post kung sino ang tinutukoy nito sa caption.
Hindi rin lantaran ang paglitaw ng pangalan sa cartoon ngunit makikita ang mga pangalan nina “Sen. Padilla,” “Sen. Villar,” at “Sen. Pia” sa kamay ng may mga hawak ng kutsilyo.
Makikita rin ang speech bubble mula sa tatlong braso na nagsasabing ““Alisin yan sa Senado!!
Ang repost ni Tulfo ay kasunod ng pagtanggi ng Senate Electoral Tribunal (SET) nitong Biyernes, Oktubre 16, sa amended version ng quo warranto petition para patalsikin si Tulfo sa botong 6-3.
Hinahamon sa quo warranto petition ang karapatan ng isang indibidwal na umupo sa pampublikong opisina.
Dumalo sa pagdinig nitong Biyernes ang lahat ng apat na senador ng minority bloc. Ito ay sina Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Robin Padilla at Camille Villar.
Binatikos naman ni Senador Panfilo Lacson ang tatlong miyembro ng SET na bumoto pabor sa motion for reconsideration na inihain ni disbarred lawyer Berteni Causing.
“Justice and fairness went out of the window when three minority senator-members voted in favor of an out-of-time motion for reconsideration filed by a petitioner without legal standing,” sinabi ni Lacson.
“Their motive may be deeper than personal issues against Sen. Tulfo,” dagdag pa niya. RNT/JGC