MANILA, Philippines – Maaaring gamitin ng pamahalaan ang P7 bilyong National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund para sa response at relief efforts dahil sa epekto ng El Niño phenomenon, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado, Oktubre 17.
“Meron tayong P7.864 billion NDRRM Fund available po ‘yan for any response na kailangang gawin patungkol sa El Niño,” sinabi ni OCD spokesperson at Director for Disaster Preparedness Service Vic Tomas sa news forum sa Quezon City.
Iginiit ni Tomas na idineklara na ang state of calamity sa 106 lugar dahil sa El Niño.
Sa report, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mayroong 66 lugar sa Cagayan Valley, apat sa Calabarzon, 12 sa Bicol, isa sa Soccsksargen at 23 sa Caraga.
“‘Yung Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance program ay P6.685 billion ready siya lalo na sa mga nag-declare na ng state of calamity,” ani Tomas.
Kamakailan ay iniulat ng Department of Agriculture ang kabuuang P6.87 bilyong sa agricultural losses sa buong bansa hanggang noong Setyembre 26, 2026 dahil sa epekto ng El Nino.
Batay sa El Niño Bulletin No. 01, sinabi ng DA na umabot sa 223,214 magsasaka ang apektado ng El Nino. RNT/JGC