Bulacan – Arestado ang isang motorcycle rider nang mahulihan ng iligal na droga sa kanyang pagtakas checkpoint ng pulisya sa bayan ng Santa Maria nitong Oktubre 16.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, kinilala alyas “Rider”, 27, residente ng Brgy. Pulong Buhangin.
Ayon sa ulat, naganap ang pagtakas ng rider sa ikinasang checkpoint ng mga pulis kasama ang ilang Force Multipliers bandang 2:57 ng hapon sa Brgy. Sta. Clara ng nasabing bayan.
Nabatid na pinara ng mga awtoridad ang rider lulan ng motorsiklong kulay asul na walang suot na helmet subalit humarurot ito kaya hinabol nila ito.
Sa kasagsagan ng habulan ay namataan ng mga awtoridad na nagtapon ito ng isang itim na coin purse na natuklasan kalaunan na may isang sachet ng hinihinalang iligal na droga na nasa halagang P11,560.
Nakumpiska rin ang isang P100 peso bill at isang Euro motorcycle ng suspek na nahahararap sa kaukulang mga kaso. Dick Mirasol III