Home NATIONWIDE Napolcom, nagdagdag ng mga bagong tanong sa PNP exams vs diploma-mill graduates

Napolcom, nagdagdag ng mga bagong tanong sa PNP exams vs diploma-mill graduates

3
0

MANILA, Philippines — Nagdagdag ng mga bagong tanong ang National Police Commission (Napolcom) sa nationwide Philippine National Police (PNP) entrance at promotional examinations upang matukoy at maiwasan ang pagpasok sa serbisyo ng mga nagtapos sa mga paaralang umano’y diploma mill.

May kabuuang 41,566 sibilyan at pulis ang kumuha ng pagsusulit nitong Linggo, mula alas-8 hanggang alas-11 ng umaga, sa mga itinalagang testing center sa buong bansa.

Ayon kay Napolcom Commissioner Rafael Vicente Calinisan, pawang bagong tanong ang ginamit sa pinakahuling pagsusulit upang matiyak na nakabatay sa kakayahan at merito ang recruitment at promotion sa hanay ng pulisya.

“This is part of our process to make sure that those who enter the police force, and stay in the force, are the best of the best,” ani Calinisan.

Hinimok din niya ang mga paaralan ng criminology na repasuhin ang kanilang kurikulum at higit na pagtuunan ang cybercriminology dahil sa pagtaas ng mga krimeng may kaugnayan sa internet.

“We are no longer living in an archaic world. Everyone in the world is interconnected,” aniya. “Our police force must also be able to adapt to this changing landscape,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Calinisan na ang pagpasok o pag-angat sa ranggo sa PNP ay may kaakibat na mas malaking responsibilidad sa publiko, kaya mahalaga ang kakayahan, integridad at dedikasyon sa serbisyo publiko.

Inaasahang ilalabas ang opisyal na resulta sa loob ng 45 araw. Ang mga papasa ay maaaring maisama sa listahan ng mga kuwalipikado para sa recruitment o promotion sa PNP, depende sa pagsusulit na kanilang kinuha. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here