MANILA, Philippines – Inilunsad ng Southern Police District (SPD) ang “Timpuyog” Borderless Policing System ngayong Lunes, Oktubre 19, 2026, upang palakasin ang operational coordination, pagbabahagi ng impormasyon, at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga unit ng pulisya na lumalampas sa kani-kanilang mga teritoryal na hurisdiksyon.
Ayon Kay NCRPO Officer-in-Charge PBGEN Christopher N. Abrahano, ang mga kriminal na aktibidad na tumatawid sa mga hangganan ng lungsod ay nangangailangan ng mas malakas na koordinasyon sa pagitan ng mga unit ng pulisya.

Kaya pormal na inilunsad ang inisyatiba sa panahon ng Monday Flag Raising and Awarding Ceremonies na dinaluhan nina, NCRPO PBGEN Abrahano; Deputy Regional Director for Administration ng NCRPO na si PBGEN Arnold Thomas C. Ibay; SPD District Director PBGEN Rodel A. Pastor; at mga miyembro ng SPD Command Group, para sa mas pinag-isa at pinag-ugnay na mga operasyon ng pulisya.
Tinaguriang “Timpuyog,” itinataguyod ng sistema ang isang nagkakaisang diskarte sa pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng paghikayat sa mga kaugnay na unit ng pulisya na magbahagi ng napapanahong impormasyon, mag-ugnay ng mga operasyon, at magbigay ng operational support anuman ang mga hangganan ng hurisdiksyon.
Inaasahan ni PBGEN Abrahano na sa pamamagitan ng inisyatibang ito, mas handa ang mga tauhan ng pulisya na tumugon sa mga kriminal na aktibidad na tumatawid o lumilipat sa iba’t ibang lunsod kaya magiging matatag na pagsisikap para sa pag-iwas at pagsugpo sa krimen.

Samantsla, kumbinsido si SPD Director PBGEN Pastor na ang pagpapatupad ng Timpuyog ay umaayon din sa mga prinsipyo ng TSAPA ng Distrito: Trustworthy (Mapagkakatiwalaan), Service-oriented (Nakatuon sa Serbisyo), Accessible (Madaling Lapitan), Professional (Propesyonal), at Accountable (May Pananagutan), na gabay ng mga tauhan sa paghahatid ng serbisyo publiko at pagpapatibay ng tiwala ng komunidad.
“Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, isinasabuhay natin ang kahalagahan ng pagtutulungan nang lampas sa mga teritoryal na hangganan. Hindi nililimitahan ng mga kriminal ang kanilang galaw sa isang lungsod lamang, at hindi rin dapat ganito ang ating koordinasyon. Sa ilalim ng mga direktiba ng ating OIC, NCRPO, patuloy nating muling papalakasin ang intelligence-fusion at pagbabahagi ng impormasyon upang suportahan ang ating mga kasamahang unit, at tiyakin na ang ating mga operasyon ay nananatiling nakatutok sa pagbawas o pag-aalis ng krimen tungo sa kaligtasan ng publiko. Nananatiling malinaw ang ating misyon: ang maglingkod at magprotekta palagi,” pahayag ni PBGEN Pastor.







