MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Local Water Utilities Administration (LWUA) ang paghihigpit sa paggamit ng tubig ng mga negosyong itinuturing na malakas gumamit nito ngunit hindi essential, gaya ng golf courses, water parks at swimming pools, bilang paghahanda sa banta ng matinding El Niño.
Sa pagdinig sa Senado sa panukalang budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sinabi ni LWUA Administrator Jose Moses Salonga na kabilang sa kanilang tinitingnang hakbang ang pagbabawas ng water allocation o pansamantalang pagsasara ng valves ng ilang establisimyento.
Nilinaw na bahagi pa lamang ito ng mga hakbang na pinag-aaralan at hindi pa blanket order para isara ang mga naturang negosyo.
Itinanong ni Sen. Risa Hontiveros sa mga ahensya kung paano kokontrolin ang paggamit ng tubig para sa irrigation ng golf courses, pagpuno ng swimming pools at pagpapatakbo ng fountains sa mga resort habang naghahanda ang bansa sa posibleng kakulangan sa tubig.
Samantala, sinabi ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na nagsumite siya sa Office of the President ng panukalang memorandum circular na mag-uutos sa mga tanggapan ng gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit na water conservation measures.
Kabilang dito ang pagbabawas ng water leakage at posibleng pagsasara ng water valves sa ilang government offices sa partikular na oras sa gabi.
Pinag-aaralan din ng DENR at iba pang water agencies ang pagpapalakas ng small water impounding structures, rainwater catchment facilities at water filtration programs sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang paghahanda sa epekto ng El Niño. Santi Celario