MANILA, Philippines — Dapat humingi ng paumanhin sa mga Pilipino si Chinese Ambassador Jing Quan kaugnay ng kontrobersiyal nitong pahayag tungkol sa posibleng paggamit ng puwersa, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela.
Sinabi ni Tarriela na hindi siya nasa posisyon para makiisa sa panawagan ng ilang mambabatas na ideklarang persona non grata ang Chinese envoy, ngunit iginiit niyang nararapat itong humingi ng paumanhin.
“I think the Filipino people deserve better, at least apologize,” ani Tarriela.
Nauna nang ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Jing upang ihayag ang “serious concern and strong objection” ng Pilipinas sa kanyang pahayag. Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na provocative at unacceptable ang naturang pananalita at hindi ito nakatutulong sa pagbuo ng pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Iginiit naman ni Jing na kinuha sa labas ng konteksto ang kanyang pahayag. Aniya, ang punto niya ay kahit may kakayahan ang China na gumamit ng puwersa, wala itong intensiyong gawin iyon at mas nais nitong mapanatili ang kapayapaan.
Hinimok din ng Chinese envoy ang panig ng Pilipinas na iwasan umano ang “selective quotation, over-interpretation and over-reaction.”
Nagpapatuloy ang palitan ng pahayag ng Manila at Beijing sa gitna ng tensiyon at hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea. Dave Baluyot