MANILA, Philippines — Nakaantabay ang P7.86 bilyong National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund para sa response at relief operations kaugnay ng epekto ng El Niño, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni OCD spokesperson at Disaster Preparedness Service Director Vic Tomas na nasa P76.4 milyon na ang paunang tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), OCD at iba pang ahensya sa mga apektadong lugar, kabilang ang Cagayan Valley, Bicol, Calabarzon at Caraga.
Bukod dito, mayroon pang P6.685 bilyon sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance program na maaaring gamitin, partikular sa mga lugar na nagdeklara na ng state of calamity.
“Ngayon po, talagang binibigyan po talaga ng pansin ‘yung ating early response measures and maagap po na pagtugon sa epekto po ng El Niño,” ani Tomas.
Ayon sa Department of Agriculture, umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa agrikultura noong Setyembre 26, na nakaapekto sa 223,214 magsasaka at humigit-kumulang 249,028 ektarya ng agricultural land. Ang mga datos ay patuloy pang bina-validate.
Pinagana rin ng pamahalaan ang whole-of-government approach para tugunan ang epekto ng El Niño sa suplay ng pagkain at tubig. Kabilang sa mga hakbang ang pamamahagi ng food at non-food items, resilient seeds at crops, at paghahanda ng pumps at desalination systems para sa potable water at irrigation.
“But again, this is not just national government alone or local government alone. It is a whole-of-nation, whole-of-government, and whole-of-community approach,” ani Tomas.
Patuloy ding hinihikayat ng OCD ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad habang inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang unang bahagi ng 2027. Kris Jose