SAN GUILLERMO, Isabela – Umaabot sa mahigit P840K halaga ng pinaniwalaang smuggled na sigarilyo ang nasabat ng kapulisan sa isinasagawang anti-criminality checkpoint sa bahagi ng Barangay Nakar, San Guillermo, Isabela.
Dalawang indibidwal na kinilalang sina alyas “Ronald”, 62 taong gulang, at alyas “Jay”, 31 taong gulang, na pawang taga- lungsod ng Santiago ang naaresto sa nasabing operasyon.
Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Sherwin Concha, hepe ng San Guillermo Police Station kay PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ay nagsasagawa ng anti-criminality at Anti-African Swine Fever (ASF) checkpoint ang mga tauhan ng San Guillermo Municipal Police Station katuwang ang Regional Intelligence Division (RID2) at Provincial Intelligence Unit ng IPPO, nang pahintuin para sa inspeksiyon ang isang puting Pickup na may plakang DBZ 8802 na sasakyan.
Napansin ng mga operatiba ang mga kahon ng pinaghihinalaang ilegal na sigarilyo sa loob ng sasakyan.
Sa isinagawang inspeksiyon ay walang naipakitang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps ang mga sigarilyo at iba pang dokumento.
Nakumpiska ang mga sigarilyo na 250 reams ng Nise Red na nagkakahalaga ng P200,000; 680 reams ng Bon International na nagkakahalaga ng P544,000; at 120 reams ng Cannon Menthol na nagkakahalaga ng P96,000.
Sa kabuuan, 1,050 reams ng mga sigarilyo na may tinatayang halos mahigit PHP 840,000 ang nasamsam ng mga operatiba.
Ayon kay PCol. Bringas, itoy bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng mga checkpoint at intelligence-driven operations ng kapulusan upang masugpo ang pagdadala at pamamahagi ng mga ilegal at smuggled na produkto sa lalawigan.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek habang ang mga smuggled na sigarilyo ay dinala na daw sa BIR Tuguegarao City, Cagayan para sa kaukulang beripikasyon. Rey Velasco