MANILA, Philippines — Umabot sa P11.32 bilyon halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang operasyon sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Setyembre 30, 2026.
Ayon sa PNP, nasa 4.98 milyong gramo o halos limang tonelada ng ilegal na droga ang nakumpiska sa 47,503 anti-drug operations sa nasabing panahon.
Umabot naman sa 55,306 suspek ang naaresto sa mga operasyon. Mas mataas ito kumpara sa 41,712 na naaresto sa kaparehong panahon noong 2025.
Mahigit doble rin ang dami ng nakumpiskang droga kumpara sa 2.09 milyong gramo na nagkakahalaga ng P4.98 bilyon na nasabat mula Enero hanggang Setyembre 2025.
Tumaas din ang bilang ng anti-drug operations mula 40,688 noong nakaraang taon patungong 47,503 ngayong 2026.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ipagpapatuloy ng kapulisan ang operasyon laban sa ilegal na droga habang tinitiyak ang professionalism at accountability ng mga tauhan.
“We will pursue those who violate the law while ensuring professionalism and accountability,” ani Nartatez. Santi Celario