MANILA, Philippines — Isasailalim sa red at yellow alert ang Visayas power grid ngayong Martes, Oktubre 20, dahil sa kakulangan ng available power supply, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Itataas ang red alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi, habang yellow alert naman mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon at alas-6 hanggang alas-8 ng gabi.
Nasa 2,468 megawatts (MW) lamang ang available capacity ng Visayas grid kumpara sa inaasahang peak demand na 2,545 MW. Umabot sa 685 MW ang kapasidad na hindi available sa grid.
Kabilang sa mga dahilan ang hindi pagtakbo ng malalaking coal plants na PEDC 3 at KSPC 1 at limitadong power import mula Mindanao dahil sa planned outages ng GNPK 4, TSI 2, TMI Mobile2-U2 at Pulangi 4-U2.
Ayon sa NGCP, 22 power plants din ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad o derated capacity, bukod sa ilang planta na matagal nang naka-forced outage.
Ang red alert ay itinataas kapag hindi sapat ang supply ng kuryente upang matugunan ang demand at regulating requirement ng grid.
Samantala, yellow alert naman kapag sapat pa ang supply para sa demand ngunit kapos ang operating reserve para sa contingency requirement. Mary Anne Sapico