MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Manila Water ang mga customer sa ilang bahagi ng Taguig, Marikina at Rizal na mag-ipon ng sapat na tubig dahil sa nakatakdang maintenance activities mula Oktubre 20 hanggang 22.
Ayon sa kumpanya, isasagawa ang mga aktibidad upang makatulong na mapanatili ang 24/7 supply ng malinis na tubig sa mga customer.
Sa Hagonoy, Taguig City, magsisimula alas-10 ng gabi ng Oktubre 20 ang zero pressure test sa kahabaan ng MLQ corner Rainbowridge.
Sa Nangka, Marikina City, magkakaroon ng line meter at strainer declogging sa Japan Avenue mula alas-10 ng gabi ng Oktubre 20 hanggang alas-4 ng madaling araw ng Oktubre 21.
Parehong oras naman ang maintenance sa San Jose, Rodriguez, Rizal, para sa line meter at strainer declogging sa Kalantas/Narra area.
Sa Mayamot, Antipolo City, nakatakda ang kaparehong maintenance sa F. Manalo corner Sumulong mula alas-10 ng gabi ng Oktubre 21 hanggang alas-4 ng madaling araw ng Oktubre 22.
Pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na mag-imbak ng sapat na tubig bago magsimula ang maintenance. Dave Medina