MANILA, Philippines — Umabot sa 205,347 dengue cases ang naitala sa bansa mula Enero 4 hanggang Oktubre 14, 2026, ayon sa Department of Health (DOH).
Mas mababa ito ng 22% kumpara sa 261,749 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Sinabi ng DOH na nananatiling mababa sa alert at epidemic thresholds ang dengue cases sa buong bansa mula simula ng taon, bagama’t 11 probinsya at highly urbanized cities sa siyam na rehiyon ang nakitaan ng localized increase.
Mula Setyembre 17 hanggang 30, nasa 22,095 kaso ang naitala, bahagyang mas mababa ng 2% sa 22,479 kaso noong Setyembre 3 hanggang 16.
Nananatili naman sa 0.38% ang case fatality rate ng dengue.
Patuloy na minomonitor ng DOH at local surveillance units ang mga lugar na may pagtaas ng kaso at mga posibleng cluster.
Pinaigting din sa mga lugar na may mataas na transmission ang pagtanggal ng mosquito breeding sites, paggamit ng ovitrap at larval traps, at targeted larviciding.
Hinimok ng DOH ang publiko na sundin ang “Alas Kwatro Kontra Mosquito” at 4Ts — Taob, Taktak, Tuyo at Takip — upang alisin ang stagnant water na maaaring pamugaran ng lamok. RNT