Home METRO Riding-in-tandem tiklo matapos takasan P’que checkpoint; replica gun nasamsam

Riding-in-tandem tiklo matapos takasan P’que checkpoint; replica gun nasamsam

2
0

PARAÑAQUE CITY — Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong tangkaing takasan ang police checkpoint at komprontahin ang mga pulis sa East Service Road, Barangay San Martin de Porres, Parañaque City, madaling-araw nitong Lunes, Oktubre 19.

Kinilala ng Parañaque City Police ang mga naaresto sa mga alyas na “Vincent,” 23, at “Kevin,” 26.

Batay sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Brig. Gen. Rodel Pastor, nagsasagawa ng OPLAN SITA ang mga tauhan ng Marcelo Green Police Sub-Station dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang mapansin ang dalawang lalaki na sakay ng itim na Honda Click motorcycle na walang plaka.

Pagdating umano sa checkpoint, biglang humarurot ang driver kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang maharang sa tapat ng Waltermart Mall sa kahabaan din ng East Service Road.

Ayon sa pulisya, bumunot umano ng baril ang angkas at itinutok ito sa isang pulis. Agad naman siyang napasuko at kalaunan ay natukoy na replica firearm lamang ang naturang armas.

Bukod sa replica gun, narekober din umano sa dalawang suspek ang dalawang backpack na naglalaman ng ilang identification card, dalawang plaka, cable ties, dalawang balaclava, isang Apple iPod, kuwaderno, dalawang pitaka at dalawang helmet. Kinustodiya rin ng pulisya ang kanilang motorsiklo bilang ebidensiya.

Dinala ang dalawang lalaki at mga nakumpiskang gamit sa Investigation and Detective Management Section para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Ayon sa police report, inihahanda laban sa mga suspek ang mga reklamo kaugnay ng paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code at Article 151 ng Revised Penal Code dahil sa umano’y resistance and disobedience.

Binanggit din ng pulisya ang posibleng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, bagama’t inilarawan mismo sa ulat na replika lamang ang nakuhang baril. Ang eksaktong kasong ihahain ay sasailalim pa sa evaluation ng mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. James Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here