MANILA, Philippines – Binatikos ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Adm. Jay Tarriela ang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na madaling matatalo ng China ang Pilipinas sakaling gumamit ng puwersa.
Ayon kay Tarriela nitong Martes, tila hindi tugma ang pahayag sa estratehiya ng pamahalaang Tsino na pagbutihin ang ugnayan sa Pilipinas.
Sa panayam, sinabi ni Tarriela na nagpahayag ang tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Mao Ning ng kagustuhang palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Ayon kay Tarriela, karaniwang maingat na pinaplano ang mga pahayag ng mga kinatawan ng China, kaya tila biglaan ang naging pahayag ng embahador. Kinondena rin niya ang sinabi ni Jing, na itinuring din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang “a threat to the Filipino people.”
Noong Oktubre 15, sinabi ni Jing sa mga mamamahayag na “[i]f we want to use force, we may easily win.” Gayunman, iginiit din niyang hindi gagamit ng puwersa ang China at pinahahalagahan nito ang kapayapaan.
Ayon kay Tarriela, dapat sanang humingi ng paumanhin ang embahador sa halip na ipagtanggol ang kanyang pahayag at hamunin ang mga mambabatas at mamamahayag na pumuna rito.
“For me, it’s very disappointing that the Chinese ambassador never had any regret for what he said,” ani Tarriela.
“He could have easily apologized and said it was wrong use of words or phrases. But instead, he doubled down his threat,” dagdag niya.
Noong Lunes, ipinatawag ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Jing upang ipahayag ang “serious concern and strong objection” ng Pilipinas sa kanyang pahayag. Inilarawan naman ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro ang mga sinabi ng embahador bilang mapanulsol at hindi katanggap-tanggap.
Dahil sa kontrobersiya, ilang mambabatas ang nanawagang ideklarang persona non grata si Jing, na maaaring humantong sa pagpapaalis sa kanya sa bansa.
Tinutulan ito ng China at hinamon ang mga opisyal ng Pilipinas na ituloy ang hakbang. Nagbabala rin ang embahada na hindi tatanggapin ng Beijing ang mga opisyal ng Pilipinas bilang tugon.
Ayon kay Tarriela, dapat ihiwalay ang usapin sa pagpapaalis sa embahador sa mga aksiyon ng China sa West Philippine Sea, kung saan paulit-ulit na inaakusahan ng Pilipinas ang Beijing ng paglabag sa soberanya at karapatang pandagat ng bansa.
Iginiit niyang dapat patuloy na ipaglaban ng Pilipinas ang mga karapatang pandagat nito at bigyang-diin ang kahalagahan ng 2016 arbitral ruling sa alitan sa South China Sea.
“So where do we go from here? We just have to keep on standing, asserting our rights, and highlighting that the 2016 Arbital Award is final and binding,” ani Tarriela.
Sa magkasanib na pahayag nitong Martes, siyam na mambabatas ang nagsabing hindi diplomatiko ang pangungutya ng Chinese Embassy sa panawagang ideklarang persona non grata si Jing, at hindi ito nakatutulong sa seryosong pag-uusap ng dalawang bansa.
“We call on the President to stand firm against further Chinese aggression and to give serious consideration to our appeal for the expulsion of Ambassador Jing Quan. The Ambassador has clearly overstayed his welcome. We should no longer host a foreign envoy whose statements and conduct have shown disregard for our country’s sovereignty,” ayon sa kanilang pahayag.
Dagdag ng mga mambabatas, “The Embassy’s undiplomatic language taunting our government to declare the Chinese Ambassador as persona non grata does little to encourage serious dialogue between two sovereign nations. Instead it reflects their position that our country should simply accept China’s threats and submit to its demands.”
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag sina Zia Alonto Adiong, Kaka Bag-ao, Perci Cendaña, Leila de Lima, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, Cielo Krisel Lagman, Karl Legazpi at Mark Anthony Santos. RNT/MDS