Home NATIONWIDE Mga kritisismo sa bagong walkway sa TriNoma, SM North dininig ng DOTr;...

Mga kritisismo sa bagong walkway sa TriNoma, SM North dininig ng DOTr; pagsasaayos, hiniling sa pribadong kumpanya

4
0

QUEZON CITY, Philippines – Kinilala ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez nitong Lunes ang mga batikos sa bagong walkway na nagdurugtong sa TriNoma at SM City North EDSA. Ipinaliwanag niyang dahil sa kakulangan ng pondo para sa mga pasilidad ng pampublikong transportasyon, humingi siya ng tulong sa pribadong kompanya.

Sa forum ng Economic Journalists Association of the Philippines, sinabi ni Lopez na nakiusap siya sa San Miguel Corp. (SMC), ang kompanyang nasa likod ng MRT-7 project, na ayusin ang walkway bilang bahagi ng corporate social responsibility nito.

“If you remember this issue, nung malakas po yung ulan, yung mga commuters natin, yung nilalakaran nila basang-basa sila. Baha, mabaho,” ani Lopez.

“You know what I did? I have to admit. Nakiusap ako sa MRT-7, sa SMC. Wala akong pondo dito, baka pwede natin ayusin ‘to as part of your Corporate Social Responsibility. Gawin nating sementado, lagyan natin ng bubong para hindi mahirapan ang ating mga commuters,” dagdag niya.

Ayon kay Lopez, kaya isinusulong niya ang mas malaking budget ng DOTr para sa 2027 upang maisagawa ang mga proyektong pang-imprastraktura at mapabuti ang mga pasilidad para sa mga commuter.

“If we have to be commuter-centric, dapat ito ang bigyan natin ng pansin,” aniya.

Wala ring inilaan na pondo sa panukalang 2027 National Expenditure Program para sa EDSA Busway, sa kabila ng P1.7 bilyong kahilingan ng DOTr. Nagpahayag din ng pangamba ang mga budget watchdog at ekonomista sa malaking pagbawas ng pondo para sa mga proyektong pinopondohan mula sa ibang bansa, kabilang ang Metro Manila Subway Project at North-South Commuter Railway.

Gayunman, sinabi ni Lopez na patuloy nilang isusulong ang dagdag na pondo habang hindi pa pinal ang pambansang budget.

“Meron pa kaming plenary sa senado at yun naman ay pag-uusapan pa rin po natin para kahit papano, kung may natanggal man sa ating foreign-assisted projects, baka pwede nating ibalik. Hindi pa yan batas,” aniya.

Nagbabala rin siya na maaaring lalo pang maantala at magmahal ang mga proyektong ito kapag kulang ang pondo. Kailangan aniya ng sapat na nakalaang budget upang mabayaran ang mga kontratista at matugunan ang mga obligasyon ng ahensya sa unang tatlong quarter ng 2027.

“Dapat naka-program appropriation yung kailangan naming pondo para mabayaran yung mga contractors namin, para hindi na po maulit yung pagsu-suspend ng mga works at para po tuloy-tuloy na matapos sa lalong mas mabilis na panahon yung ating big-ticket projects,” ani Lopez.

“Hindi na ho pwedeng mag-aantay na lang kami sa unprogrammed appropriations. That’s just a contingent fund, so to speak. Kung may kita ang gobyerno, may proseso pa yan,” dagdag niya.

Ayon kay Lopez, ilang proyekto ang ilang taon nang naaantala dahil sa mga pagbawas ng budget noong 2023, 2024 at 2025, kasabay ng pagputok ng flood control scandal.

“(Pag) tinanggalan mo ng 2 years na budget, hindi lang po 2 years ang hahabulin niyo doon. It’s more than that. Not only the interest, may prolongation cost and everything,” paliwanag niya.

Samantala, sinabi ni Lopez na ipauubaya niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang anumang desisyon tungkol sa kanyang posisyon bilang kalihim ng transportasyon.

Ito ay kasunod ng mga espekulasyong maaaring bumalik sa DOTr si Public Works Secretary Vince Dizon, na itinanggi naman niya. Sinabi rin ni Marcos na mananatili muna si Dizon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“According to Sec. Dizon, mukhang hindi ata. I just second the motion yung sinabi niya. On my part, we cannot question the wisdom of the President. At least for the cabinet secretaries and all appointed officials, we work for the pleasure of the President. If we still enjoy the trust and confidence of the President, then salamat po,” ani Lopez.

Dagdag niya, tatanggapin niya ang desisyon ng pangulo kung sa tingin nito ay hindi na niya nagagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin.

“If the President thinks that we no longer perform as we should, we don’t question that. As simple as that. At the end of the day, we are just the alter ego of the President. Kung ano ang gusto ng Pangulo, tayo ay susunod,” pahayag ni Lopez. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here