MANILA, Philippines – Hinimok ng Autism Society Philippines ang pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga batas na nagpoprotekta sa karapatan at dignidad ng persons with disabilities (PWDs), kasunod ng mga insidente ng pangungutya at pang-iinsulto sa mga taong may kapansanan.
Sa panayam sa Veritas Pilipinas, sinabi ni Mona Magno-Veluz, national spokesperson ng Autism Society Philippines, na may probisyon sa Magna Carta of Persons with Disabilities na nagpaparusa sa pang-iinsulto o pangungutya sa isang tao gamit ang kanyang kapansanan.
Ayon kay Magno-Veluz, maaaring dumulog sa kinauukulang awtoridad ang mga biktima ng pambu-bully sa paaralan o trabaho kung hindi maresolba ang usapin sa pamamagitan ng mga umiiral na proseso sa institusyon.
Binigyang-diin niya na hindi lamang usapin ng pagpapatawad o pakikipagkasundo ang pananagutan ng mga lumalabag, kundi pagkilala rin sa pagkakamali at pagsunod sa batas.
Isinusulong din ng organisasyon ang mas malawak na suporta para sa mga taong may autism, kabilang ang libreng therapy at mga serbisyong pang-interbensyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden