MANILA, Philippines – Karagdagang 15 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Bahay Kalinga sa Riyadh, Saudi Arabia ang nakauwi sa Pilipinas nitong Martes, Oktubre 20, sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Bago makauwi, bumiyahe ang grupo mula Riyadh patungong Dammam, kasama ang isang OWWA Welfare Officer at iba pang kawani na umalalay sa kanilang biyahe. Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Gulf Air Flight GF154.

Dahil dito, umabot na sa 99 ang kabuuang bilang ng mga OFW na nairepatriate mula Oktubre 19 hanggang 20. Kabilang dito ang 34 na dumating noong Oktubre 19 at 50 na dumating nitong Martes ng umaga matapos bumiyahe mula Riyadh patungong Al Qassim.
Patuloy na inaasikaso ng OWWA Repatriation and Assistance Division ang mga umuwing OFW, kabilang ang airport assistance, transportasyon, pansamantalang matutuluyan at tulong sa domestic flights para sa mga uuwi pa sa kanilang mga probinsya.
Inaasahan ding darating ngayong Martes ng gabi, bandang alas-10:20, ang karagdagang 50 OFW sakay ng Qatar Airways. Pinopondohan ang kanilang pagpapauwi sa pamamagitan ng Aksyon Fund ng Migrant Workers Office (MWO).

Samantala, 249 pang OFW ang may kumpirmadong flight bookings mula Oktubre 21 hanggang 26. Kabilang sa iskedyul ang 50 sa Oktubre 21 mula Al Qassim, 49 sa Oktubre 23 mula Dammam, 110 sa Oktubre 25 mula Dammam at Al Qassim, at 40 sa Oktubre 26 mula Al Qassim.
Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, kasama ang Philippine Embassy sa Riyadh at mga Migrant Workers Office sa Saudi Arabia, upang maisaayos ang kanilang biyahe at matugunan ang kanilang pangangailangan habang naghihintay ng pag-uwi.
Ang repatriation operations ay sinusuportahan ng supplemental Emergency Repatriation Fund (ERF), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa ilalim ng Saving Lives pillar ng UPLIFT Assistance Program. ERIC OCAPAN







