Home NATIONWIDE Luistro: Ebidensiya sa binawing impeachment articles, ‘di masasayang

Luistro: Ebidensiya sa binawing impeachment articles, ‘di masasayang

3
0

MANILA, Philippines — Hindi umano masasayang ang mga ebidensiyang naiprisinta kaugnay ng tatlong binawing articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahil maaari pa itong isumite sa ibang kinauukulang ahensya para sa posibleng imbestigasyon o kasong kriminal, ayon kay House lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Nauna nang iniurong ng prosecution ang mga artikulo kaugnay ng confidential funds, bribery at grave threats, habang ipinagpatuloy ang Article II na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth.

“Huwag tayong manghinayang because these articles are not gone,” ani Luistro.

Ayon sa kanya, maaaring hingin ng Office of the Ombudsman ang mga ebidensiyang naiprisinta sa impeachment trial at mga rekord mula sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Sinabi ni Luistro na handa silang isumite sa Ombudsman ang mga ebidensiya kaugnay ng graft at bribery sakaling maglabas ito ng subpoena. Gayunman, ang anumang alegasyon ay mananatiling sasailalim sa hiwalay na imbestigasyon at pagpapasya ng kinauukulang awtoridad.

Sa alegasyon naman ng grave threats laban kay Duterte, sinabi ni Luistro na mayroon nang nakabinbing kaso sa Quezon City Regional Trial Court. Nakakita na ang korte ng probable cause upang litisin ang kaso, ngunit wala pang pinal na hatol.

Binabantayan din umano ng prosecution ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa mga ari-ariang iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Nilinaw ni Luistro na bagama’t hindi na maaaring gamitin sa mga binawing impeachment articles ang anumang bagong findings ng NBI, maaari pa rin itong suriin ng Department of Justice o Office of the Ombudsman para malaman kung may sapat na basehan para sa hiwalay na kaso, alinsunod sa umiiral na rules on evidence at procedure. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here