Home METRO Lalaking may bitbit na baril, rifle grenade arestado sa Caloocan

Lalaking may bitbit na baril, rifle grenade arestado sa Caloocan

3
0

CALOOCAN CITY – Arestado ang isang 39-anyos na lalaki matapos umanong maaktuhang may dalang baril at rifle grenade habang pagala-gala sa Barangay 144, Caloocan City.

Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, rumesponde ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang armadong lalaki sa Evangelista Street.

Pinangunahan ni P/Capt. Julius Villafuerte ang mga pulis na nagtungo sa lugar kung saan nakita umano ang suspek na kinilalang alyas “Bert.”

Naaresto ang lalaki dakong alas-11:55 ng gabi.

Ayon sa pulisya, nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver na kargado ng apat na bala at isang rifle grenade.

Wala umanong maipakitang kaukulang dokumento ang suspek para sa mga nakuhang armas.

Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kaugnay ng baril at bala, at RA 9516 kaugnay ng umano’y ilegal na pag-iingat ng explosive device. Rene Manahan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here