Home NATIONWIDE 10 kongresista nais ipa-persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan

10 kongresista nais ipa-persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan

3
0

MANILA, Philippines – Sampung miyembro ng House of Representatives ang naghain ng resolusyon na humihimok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan o hilingin sa Beijing na i-recall ang diplomat.

Sa House Resolution No. 1562, sinabi ng mga mambabatas na dapat kumilos ang Pangulo kaugnay ng serye ng mga pahayag ni Jing na umano’y nakasasagasa sa soberanya at seguridad ng Pilipinas.

“Now, therefore be it resolved, that the House of Representatives urge the President of the Philippines to declare Ambassador Jing Quan of the People’s Republic of China persona non grata, or in the alternative, to request his recall by the Government of People’s Republic of China,” saad sa resolusyon.

Kabilang sa mga binanggit na dahilan ang naging pahayag ni Jing sa Diliman Dialogues na madaling mananalo ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas, bagama’t sinabi rin niyang hindi ito gagawin dahil nais ng Beijing ang kapayapaan.

“If we want to use force, we may easily win. But no, we will not use force,” pahayag ng ambassador.

Umani ito ng matinding reaksiyon mula sa ilang opisyal ng gobyerno. Tinuring ng Department of Foreign Affairs ang pahayag bilang isang “thinly veiled threat” at ipinatawag si Jing upang iparating ang “serious concern and strong objection” ng Pilipinas.

Sinabi rin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na maituturing niyang banta ang pahayag ng Chinese envoy.

Binanggit din sa resolusyon ang naging tugon ng Chinese Embassy noong Oktubre 17 sa mga mambabatas na nagsusulong na ideklarang persona non grata si Jing.

“But anyway, just do it. Otherwise, STOP BLUFFING,” pahayag ng embahada.

Tinukoy din ng mga kongresista ang mga pahayag ng embahada laban sa ilang Philippine officials at mamamahayag, gayundin ang banta umano na mas marami pang opisyal ng Pilipinas ang maaaring pagbawalang makapasok sa China.

Giit ng mga naghain ng resolusyon, nasa Pangulo ang pangunahing kapangyarihang mangasiwa sa foreign relations ng bansa at kumatawan sa Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa ibang estado.

Kabilang sa mga naghain ng HR 1562 sina Reps. Ziaur-Rahman Alonto Adiong ng Lanao del Sur 1st District; Adrian Michael Amatong ng Zamboanga del Norte 3rd District; Kaka Bag-ao ng Dinagat Islands; Percival Cendaña ng Akbayan Party-list; Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list; Chel Diokno at Dadah Kiram Ismula ng Akbayan Party-list; Cielo Krisel Lagman ng Albay 1st District; Karl Fernandez Legazpi ng PINOY WORKERS Party-list; at Mark Anthony Santos ng Las Piñas.

Ang paghahain ng resolusyon ay pinakahuling hakbang ng mga mambabatas sa gitna ng umiinit na diplomatic row sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy kaugnay ng West Philippine Sea. Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here