Home HOME BANNER STORY China inakusahan si Teodoro na kinukuwestiyon One China principle

China inakusahan si Teodoro na kinukuwestiyon One China principle

3
0

MANILA, Philippines – Inakusahan ng Chinese Embassy in Manila si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ng hayagang pagkuwestiyon sa One China principle matapos nitong magbahagi ng social media post na tumukoy sa Taiwan bilang self-governed.

“Philippine Secretary of National Defense Gibo Teodoro is openly challenging the one-China principle. We want to know what is the response of the DFA,” pahayag ng Chinese Embassy nitong Miyerkules.

Nag-ugat ang reaksiyon ng embahada sa isang post ng netizen na naglista ng mga territorial at political disputes ng China sa iba’t ibang bansa at teritoryo.

Kabilang dito ang linyang: “Taiwan – The People’s Republic of China claims Taiwan, while Taiwan is self-governed.”

Nagpasalamat si Teodoro sa netizen matapos ibahagi ang naturang post.

Wala pang tugon ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense sa bagong pahayag ng Chinese Embassy sa oras ng pagkakalathala ng ulat.

Matagal nang naninindigan ang Pilipinas sa One China Policy. Itinatag ng Manila at Beijing ang diplomatic relations noong Hunyo 9, 1975, at kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang pamahalaang mayroon itong opisyal na diplomatic relations.

Muli ring kinumpirma ng DFA sa mga nakaraang taon ang adherence ng Pilipinas sa One China Policy habang kasabay na nananawagan para sa kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait.

Gayunman, nagpapanatili ang Pilipinas ng economic, cultural at iba pang functional relations sa Taiwan sa kabila ng kawalan ng formal diplomatic ties.

Dumarating ang bagong sagutan sa gitna ng umiinit na diplomatic row sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at Chinese Embassy matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Ambassador Jing Quan hinggil sa paggamit ng puwersa laban sa Pilipinas.

Nauna nang ipinatawag ng DFA si Jing upang ipahayag ang “serious concern and strong objection” ng pamahalaan sa kanyang mga pahayag, habang ilang mambabatas naman ang nagsusulong na ideklara siyang persona non grata.

Patuloy namang binibigyang-diin ng Pilipinas sa mga opisyal na pahayag ang kahalagahan ng mapayapang pagresolba sa mga alitan at pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here