Home HOME BANNER STORY Hog raisers magkakasa ng 3-day ‘Pig Holiday,’ rally sa DA

Hog raisers magkakasa ng 3-day ‘Pig Holiday,’ rally sa DA

3
0

MANILA, Philippines – Maglulunsad ng tatlong araw na “Pig Holiday” ang mga lokal na magbababoy simula Huwebes bilang protesta sa patuloy umano nilang pagkalugi dahil sa mababang farmgate prices at pagdagsa ng imported pork.

Inihayag ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones, chairman din ng Pork Producers Federation of the Philippines, na mula Oktubre 22 hanggang 24 ay boluntaryong hindi muna maglalabas at magbebenta ng baboy sa merkado ang mga lalahok na hog raisers.

Layunin umano nitong ipakita sa pamahalaan ang bigat ng problemang kinakaharap ng lokal na industriya ng pagbababoy.

Magkakasa rin ang mga grupo ng malawakang rally sa harap ng Department of Agriculture (DA) sa Quezon City sa Biyernes, Oktubre 23, kung saan inaasahang lalahok ang nasa 800 hanggang 1,000 hog raisers.

Kabilang sa kanilang pangunahing panawagan ang pagbabalik ng taripa sa imported pork sa 30 porsiyento para sa in-quota shipments at 40 porsiyento para sa out-quota imports.

Sa kasalukuyan, nasa 15 porsiyento ang tariff rate sa in-quota pork imports at 25 porsiyento sa out-quota imports. Nauna nang iminungkahi ng DA na itaas ito sa 25 at 35 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.

Hinihiling din ng sektor ang pansamantalang paghinto sa pag-isyu ng import clearances para sa ilang pork products, mas mahigpit na pagsusuri sa mga imported meat products at pinaigting na kampanya laban sa agricultural smuggling.

Iginiit din nilang dapat mahigpit na ipatupad ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act upang mapigilan ang technical smuggling, misdeclaration at iba pang ilegal na gawain sa pag-aangkat ng produktong agrikultural.

Ayon kay Briones, umaabot na umano sa ₱350 milyon kada araw ang pagkalugi ng mga lokal na magbababoy dahil sa patuloy na pagbagsak ng farmgate prices habang nananatiling mataas ang production costs.

Nauna nang tinaya ng grupo ang kanilang pagkalugi sa hindi bababa sa ₱250 milyon kada araw, kasunod ng pagbagsak ng farmgate price ng baboy sa ₱130 hanggang ₱140 kada kilo habang nasa ₱180 hanggang ₱190 kada kilo ang production cost.

Nanawagan din si Briones sa mga trader at retailer na tiyaking makatarungan ang kanilang presyo upang ang pagbaba ng farmgate prices ay makinabang din ang mga mamimili at hindi lamang ang middlemen.

Mabigat din umano para sa mga hog raiser ang gastos sa feeds, gamot at iba pang pangangailangan sa produksyon.

Samantala, sinimulan na ng DA ang preliminary safeguard investigation sa pork imports matapos makakita ng prima facie evidence na ang pagtaas ng importasyon sa nakalipas na tatlo hanggang limang taon ay maaaring nagdudulot ng serious injury o banta sa lokal na hog industry.

Sinabi rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na pinag-aaralan ng DA ang pansamantalang paghinto sa pag-isyu ng sanitary and phytosanitary import clearances para sa ilang pork cuts nang 30 hanggang 60 araw, posibleng simula Nobyembre.

Giit ng mga hog raiser, kailangan ang agarang hakbang upang maprotektahan ang kabuhayan ng lokal na mga magbababoy habang pinananatiling sapat at abot-kaya ang suplay ng karne ng baboy sa bansa.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here