Home NATIONWIDE SP Win tutol sa pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa kumukupkop kay ‘Bato’

SP Win tutol sa pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa kumukupkop kay ‘Bato’

2
0

MANILA, Philippines — Tutol si Senate President Sherwin Gatchalian sa pakikipagnegosasyon ng gobyerno sa armadong grupong sinasabing kumukupkop kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Mindanao.

Ito ay matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakikipag-usap ang mga awtoridad sa hindi pinangalanang grupo para sa posibleng turnover ni Dela Rosa at maiwasan ang marahas na komprontasyon.

“Kung armed group ito, hindi naman sila authorized na magkaroon ng armas. Dapat hindi tayo nakikipag-negotiate sa kanila dahil hindi naman sila pwedeng mas armado pa kumpara sa gobyerno,” ani Gatchalian.

Sinabi ng Senate President na hindi niya alam ang detalye tungkol sa naturang grupo ngunit kung armado ang mga ito nang walang kaukulang awtorisasyon, hindi umano dapat makipagnegosasyon sa kanila ang pamahalaan.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na nauunawaan niya ang pinanggagalingan ni Remulla at ipinauubaya niya sa kalihim ang estratehiyang gagamitin ng mga awtoridad.

Nauna nang sinabi ni Remulla na nasa Mindanao umano si Dela Rosa at nasa ilalim ng proteksyon ng isang grupo na kasalukuyang kinakausap ng pamahalaan para sa kanyang turnover.

Ayon kay Remulla, nais nilang maresolba ang sitwasyon sa mapayapa at makataong paraan sa halip na mauwi sa isang madugong operasyon.

Sinabi rin ng kalihim na posibleng umabot sa 10,000 ang casualties kapag pinilit na arestuhin si Dela Rosa. Gayunman, wala siyang inilabas na paliwanag o batayan kung paano niya nakuha ang naturang pagtataya.

Samantala, hindi direktang sinabi ni Gatchalian kung sinusuportahan niya ang panawagan ng Malacañang kay Dela Rosa na sumuko na.

Para sa Senate President, mahalagang maging mapayapa at maayos ang proseso upang maiwasan ang anumang insidente o aksidente.

Nauna nang nanawagan ang Palasyo kay Dela Rosa na sumuko at harapin ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court kaugnay ng drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakaditine naman si Duterte sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here